SABAY-SABAY na naghain ng kani-kanilang certificate of candidacy (COC) ang Team TLC sa pangunguna ni re-electionist Taguig Mayor Lani Cayetano sa lokal na tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) ng lungsod.
Bukod sa Team TLC, kasamang naghain ni Mayor Cayetano ng COC ang kanyang asawang si Senador Alan Peter Cayetano at mga tagasuporta.
Bago ang paghahain ng COC ay sandaling nagkaroon ng proclamation rally para ideklara ang buong tiket ng Team TLC.
Sa paghahain ng COC, tiniyak ni Cayetano sa mga Tagagueños na muling magpapatuloy ang mga sinimulang programa ng kanyang administrasyon.
Sinabi ni Cayetano, ang kanyang track record sa pagsisimula nang kanyang pamunuan ang Taguig at hanggang sa kasalukuyan ang magpapatunay kung anong klaseng lider siya at ano ang kaya niyang ihandog para sa mga mamamayan ng Taguig.
Nagpapasalamat ang buong pamunuan ng Taguig sa Comelec at sa senado at maging sa kongreso dahil sa pagbibigay halaga nito sa pinagtibay na resolusyon ng local council na mapabilang sa isang distrito ang sampung EMBO barangays.
Patunay aniya ang pinakahuling resolusyon ng Comelec na pinahintulutang makaboto ng kongresista at mga konsehal ang mga botante ng EMBO barangays.
Binigyang diin ni Cayetano, tulad ng mga unang serbisyong ipinagkaloob niya sa mga mamamayan ng EMBO barangays simula nang iutos ng Korte Suprema na sakop ang nasabing mga lugar ng Taguig ay lalong hindi nila papayagang hindi magamit ang kanilang karapatang makaboto ng konsehal at kinatawan sa kongreso.
Bilang patunay na mahalaga at mahal ng Team TLC ang mga barangay sa EMVO ay kumuha ng tigdadalawang konsehal na nahati sa dalawa upang kumatawan sa kanila sa konseho.
Samantala inirerespeto ni Cayetano ang naging desisyon ng kanyang bayaw na tumakbo bilang kinatawan ng Taguig ngunit aniya ang kaniyang Team ay buo at hindi kulang dahil iisa ang kanilang layunin, ambisyon, at programa para sa mga taga-Taguig.
Tumanggi na si Cayetano na talakayin pa ang uri ng relasyon na mayroon sila ng kanyang bayaw at ng pamilya. Aniya, mayroong tamang panahon, lugar, at pagkakataon para pag-usapan ito. (NIÑO ACLAN)