IT’S women’s world too!
Tila ito ang binigyang diin ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) sa lokal na tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) ni Aileen Claire Olivarez (ACO), bilang alkalde ng Parañaque City.
Kasama ang ilang tagasuporta at staff, isinumite ni ACO, kabiyak ng puso ni incumbent Mayor Eric Olivarez ng Parañaque City, ang kanyang COC kahapon.
Sa pulong balitaan, sinabi ni ACO, matagal na siyang umiikot sa Iungsod at ibang komunidad na bahagi ng pagtupad sa kanyang tungkulin bilang city nutrition action officer kasabay ng pagiging hepe ng cleanliness, beautification and sanitation department ng lungsod.
Dagdag ni ACO, personal niyang nasaksihan ang mga problemang kinakaharap ng mga residente ng Parañaque bunsod ng kakulangan ng serbisyo mula sa City Hall.
Mga kuwento ng ina na nag-aalala sa kinabukasan ng kanilang mga anak, mga ama na naghahanap ng trabaho, at matatandaang tila napabayaan ng liderato ng lungsod.
Aminado si ACO na may kakulangan pa sa maayos na edukasyon at serbisyong pangkalusugan ang lungsod.
Nakita rin niya umano ang pagkabigo sa mga pangakong walang naging katuparan, kaya ang bagong Parañaque ay luma pa rin.
Puno pa rin ng mga problema na hindi naaksiyonan mula sa trapik, baha, at kawalan ng maayos na serbisyong pangkalusugan. (NIÑO ACLAN)