GIGIL na binatikos ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa si Abang Lingkod Party-list Rep. Stephen Paduano sa aniya’y pagnanais na wasakin ang mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Partikular na tinukoy ni Dela Rosa ang pilit na pagdidiin na naroon siya sa tinatawag na courtesy call ng isang police officer kay Duterte na iniuugnay sa pagkamatay ng tatlong Chinese drug lords sa loob ng Davao Prison and Penal Farm noong Agosto 2016.
Mariing pinabulaanan ni Dela Rosa, dating punong hepe Chief ng Philippine National Police (PNP), na naroon siya sa pulong na naganap sa Davao, isang linggo pagkaupo ni Duterte bilang pangulo.
“It is very clear from the recorded video of that hearing that Cong. Paduano is very excited and very insistent of my alleged presence in that courtesy call despite repeated denials from all the resource persons. Again, I vehemently deny that I was a party to that courtesy call or meeting. The effort to wholesale former President Duterte, Sen. Bong Go, and myself in one single stroke is very evident in his line of questioning,” ani Dela Rosa.
Nitong nakalipas na linggo sa pagdinig sa mababang kapulungan ng kongreso, tinanong ni Paduano si National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo ukol sa kanyang sinabi na wala siyang natatandaang nakita niya si Dela Rosa sa naturang pagpupulong.
Maging si retired police colonel Royina Garma na humarap sa pagdinig at naroon sa sinabing pulong ay tahasang sinabi na hindi niya maalalang naroon si Dela Rosa.
Magugunitang nauna nang binatikos ni Dela Rosa ang nagaganap na pagdinig sa mababang kapulungan ng kongreso ukol sa war on drugs na aniya’y maituturing na isang ‘fishing expedition’ na naglalayong wasakin ang mga kaalyado ni dating Pangulong Duterte bago ang 2025 at 2028 elections. (NIÑO ACLAN)