HINDI kayang iligtas ng kanyang ‘edad’ si dating Presidente Rodrigo Duterte sa aresto kung sakaling ang International Criminal Court (ICC) ay mag-isyu ng warrant kaugnay ng madugong kampanya laban sa ilegal na droga ng kanyang administrasyuon, ayon kay human rights advocate Atty. Jose Manuel “Chel” Diokno.
“Hindi po exempted ang mga ‘tanders’ sa jurisdiction ng International Criminal Court (ICC). Kahit anong edad pa iyan, kailangang may pananagutan.”
Sagot ni Diokno sa isang press conference sa Cebu City nang tanungin kung ang 79-anyos na si Duterte ay makaiiwas sa aresto dahil sa kanyang pagiging matanda.
Noong 2019, opisyal na iniwan ng Filipinas ang ICC, ngunit sinabi ng ICC na pinananatili nila ang hurisdiksiyon dahil nang simulan nila ang imbestigasyon sa gera sa droga ay sa panahong miyembro pa ang bansa noong 1 Nobyembre 2011 hanggang
16 Marso 2019.
Binigyang-diin ng human rights lawyer na kung walang kinatatakutan si Duterte dapat niyang harapin ang ICC nang nakataas ang noo dahil siya ang commander-in-chief noon.
“Palaging sinasabi ng nakaraang administrasyon na kung wala kang kasalanan, ‘di ka dapat matakot. Dapat ganito rin ang kanilang paninindigan sa ICC,” ani Diokno, at idinagdag na ang pnanagutan ay kay Duterte dahil siya ang dating lider ng bansa. (NIÑO ACLAN)