PINALAGAN ni Senate Majority Floor Leader Francis “Tol” Tolentino ang panawagan ni Senador Robinhood “Robin” Padilla a.k.a. The Bad Boy of Philippine Cinema, na dapat siyang magbitiw sa partido bilang lider ng Partido Demokratikong Pilipino (PDP) ngayong siya ay kabilang sa liderato ng Senado.
Binigyang-diin ni Tolentino, hindi ngayon panahon at hindi nararapat na pag-usapan ang politika.
Tinukoy ni Tolentino na mas mainam magtulungan at magkaisa para mapadali ang rehabilitasyon ng ating mga kababayan na sinalanta ng bagyong Carina.
Partikular na tinukoy ni Tolentino na dapat bigyang pansin ang mga kababayan nating nasa iba’t ibang evacuation centers, ang mga may karamdaman, mga nawalan ng tirahan, at nasira ang kabuhayan.
Payo ni Tolentino kay Padilla, mas mabuting ang pag-usapan ay kung paano matutulungan ang ating mga kababayan sa panahong ito kaysa magpolitikahan.
Ang pahayag y ginawa ni Tolentino matapos ang kanyang pamamahagi ng tulong sa mahigit 500 pamilyang apektado ng hagupit ng bagyong Carina sa mga mamamayan ng Barangay Tumana, sa lungsod ng Marikina.
Nagtungo si Tolentino para mamahagi ng food packs dakong 6:30 am nitong Sabado, sa Concepcion Elementary School sa Concepcion Uno sa lungsod ng Marikina na nagsilbing evacuation center ng mga residente ng Barangay Tumana na naapektohan ng bagyong Carina.
Lubos na nagpasalamat ang mga mamamayan ng Barangay Tumana kay Tolentino sa kabila ng isang araw na abiso sa kanya ni Tumana barangay chairwoman Akiko Centeno.
Tiniyak ni Tolentino na tututukan niya ang pagsasagawa ng imbestigasyon kung bakit patuloy na lumulubog sa baha ang Metro Manila.
Aniya, lagi siyang nakaalalay sa mga mamamayan ng Tumana at sa lahat ng Marikeño sa lahat ng uri ng sakuna.
Nanalangin si Tolentino na ito na sana ang huling sakuna para sa mga taga-Tumana.
Tumatayong PDP Vice President for Luzon si Tolentino, kapartido si dating Pangulong Rodrigo Duterte. (NIÑO ACLAN)