“EFFECTIVE today all POGOs are banned.”
Inihayag ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., laban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa kanyang pangatlong State of the Nation Address (SONA) sa Kamara de Representates sa Batasang Pambansa, Batasan Hills, Quezon City, kahapon, 22 Hulyo 2024.
Sinalubong ng masigabong palakpakan at standing ovation habang inihihiyaw ang BBM mula sa mga lokal na opisyal at mga dalubhasa kasama ang mga miyembro ng Kongreso ang pahayag ng Pangulo.
Ayon sa pangulo masama ang naging dulot ng mga POGO sa bansa kaya kailangan nang itigil.
“Kailangan nang itigil ang panggulo nito at paglapastangan sa ating bansa,” mariing pahayag ng Presidente.
Inaasahan ni Marcos na sa desisyong ito ay mareresolba ang pagtugon laban sa mga kriminalidad resulta ng paananatili ng POGO sa bansa.
“Let us always fight for right and good. Let us always love the Philippines, let us always love Filipinos,” ani Marcos.
Ilan sa mga krimeng iniuugnay sa POGO ay ang human trafficking, kidnapping, money laundering, at pagpatay.
Ang POGO ang itinuturong dahilan ng pagtaas ng presyo ng real estate sa bansa na sa huli ay hindi na ‘affordable’ sa mga Pinoy.
Pinatindi ang panawagan para ipagbawal ang POGO ay dahil sa isyu ng national security.
Inatasan ng Pangulo ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na umpisahan nang isara ang mga POGO.
“PAGCOR should wind down and cease the operations of POGOs by the end of the year,” utos ni Marcos.
Inatasan din ng Pangulo ang Department of Labor and Employment (DOLE) na tiyaking may magiging trabaho ang mga Filipino na mawawalan ng trabaho sa pagpapasara ng mga POGO.
Umani rin ng masigabong palakpakan nang sabihin ng Pangulo na mananatili sa Filipinas ang West Philippine Sea (WPS).
“Ang West Philippine Sea ay hindi isang kathang-isip lamang. Ito ay atin. At ito ay mananatiling atin, hangga’t nag-aalab ang diwa ng ating minamahal na bansang Filipinas,” anang pangulo.
“Pagtitibayin at palalaguin natin ang kamalayan at kaalaman ng buong bansa, at titiyaking maipapasa natin ito sa ating kabataan at ating susunod na mga salinlahi,” dagdag niya.
“Sa ating buong Sandatahang Lakas, sa Coast Guard, at sa ating mga mangingisda sa West Philippine Sea, tanggapin ninyo ang taos-pusong pasasalamat ng buong bansa, dahil sa inyong ginagawang pagmamatyag at sakripisyo,” ayon kay Marcos.
Ayon kay Rep. Mikee Romero (1Pacman party-list) – Chairman ng House committee on poverty alleviation
“The President’s stand on the West Philippine Sea is solid and unequivocal. He deserved our standing ovation. We salute our commander-in-chief for defending the Philippines’ territory and for taking care of our PCG and AFP personnel protecting our maritime integrity.”
Para kay Rep. Salvador Pleyto, Sr., ng Bulacan: “The President’s SONA showed very clearly his empathy towards our underprivileged and most exploited sectors. He hit the nail right in its head. It was not merely a plan of action, but rather also an outline of what his administration already did to uplift the lives of ordinary Filipinos.” (May kasamang ulat NIÑO ACLAN)