ISANG person with disability (PWD) ang nagpahayag ng kanyang galit at pagkadesmaya nang siya ay i-harass at pagbantaang hilahin ng chief security officer ng Supreme Court nitong Miyerkoles ng umaga.
Sa panayam kay Monalie Dizon, 51, legal manager ng isang law firm, ikinagulat niya ang pagtrato sa kanya ng chief security na si Joery Gayanan sa loob mismo ng gusali ng Supreme Court kaugnay ng kanyang pina-follow-up na dokumento.
Ayon kay Dizon, maayos siyang pumasok sa SC upang i-follow-up sa 3rd Division ang isang petisyon sa kaso na kanilang hawak ngunit paulit-ulit umanong sinasabi ng isang alyas Tintin na wala pang resolution sa kanilang inihain na transfer of venue.
Dahil dito minabuti ni Dizon na magtungo sa opisina ng isang SC Justice at doon siya nilapitan at sinabihan ni Gayanan na umalis na.
Sinabi ni Dizon kay Gayanan, na PWD siya at hindi maaaring maghagdan habang itinuro ng isang security ang elevator.
Dito na siya muling sinabihan ni Gayanan ng “pag hindi ka sumama sakin, hihilahin kita papuntang security office.”
Sa puntong iyon, nangamba si Dizon na posibleng totohanin ni Gayanan ang kanyang banta.
Kinuwestiyon ni Dizon si Gayanan kung may pagkakamali o may ilegal siyang ginawa kung bakit hindi makatao ang trato sa kanya.
Wala umanong tugon si Gayanan kundi paulit-ulit siyang pinaaalis.
Maging ang kasamahang security ni Gayanan ay nagulat sa umano’y inasal nito.
Samantala, lumilitaw na ang petition for transfer of venue na inaasikaso ni Dizon ay noong 1 Abril pa naaprobahan.
Pabalik-balik umano siya sa 3rd Dvision ngunit walang tugon sa kanilang petisyon. (NIÑO ACLAN)