NANINDIGAN si Senador Win Gatchalian na hindi lusot sa pananagutan ang mga bankong dinaanan ng mga mapapatunayang launder money lalo na’t nabigong magreport sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Ang reaksiyon ni Gatchalian ay matapos matukalasan sa kanilang mga ginagawang pagsisiyasat na ang ilang perang ginamit sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) at ilegal na gawain ay dumaan sa ilang mga banko.
Partikular na tinukoy ni Gatchalian ang perang puhunang ipinasok ng pamilya ni Bamban Mayor Alice Guo nang sila ay mag-apply ng Special Investor’s Resident Visa (SIRV) noong pumasok sa bansa.
Sinabi ni Gatchalian, lubhang nakapagtataka ang klase ng buhay at dami ng pera ng pamilya ng alkalde gayong ang kanilang unang kompanyang itinayo na garments factory ay hindi naman kumikita.
Tiniyak ni Gatchalian, hindi niya papayagan na makalusot ang ilang mga bankong pinagdaanan ng mga perang mapapatunayang money launder.
Obligasyon ng isang banko na agarang mag-ulat sa AMLC sa sandaling matukoy nila na ang isang account ay suspicious at sobra-sobra ang deposito o pumapasok na pera sa isang account sa ilalim ng ating batas.
Tiniyak ni Gatchalian, kanyang bubusisiin kung ano-ano talaga ang kompanyang naitayo ng pamilya Gou at kung tama ang ibinabayad na buwis at tama ang mga deklarasyong ginagawa.
Sa ngayon, inamin ni Gatchalian na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang AMLC upang matukoy kung ano-ano at magkano ang mga launder money at saang mga banko ito dumaloy lalo na’t may tinatawag na cash flow.
Nagtataka si Gatchalian kung bakit nabigo ang mga banko na agarang isailalim sa Know Your Client (KYC) at agarang kuwestiyonin ang isang depositor kung ang kanyang idedeposito ay lampas sa P500,000. (NIÑO ACLAN)