ITINODO pa ng supermarket chain na Puregold ang adbokasiyang kampanya nito–ang Puregold CinePanalo Film Festival, sa pamamagitan ng paghahandog ng pinakamalalaking grant para sa produksiyon ng mga full-length na pelikula sa Pilipinas.
Para sa paparating na 2025 Puregold CinePanalo, tumataginting na P3,000,000 ang film production grant na ibibigay sa pitong kapita-pitagang propesyonal at baguhang direktor, habang 25 estudyanteng filmmaker ang tatanggap ng P150,000 short film production grant.
Bukas na ang aplikasyon para sa mga nangangarap na sumali sa nalalapit na festival line-up. Ang huling araw ng pagsusumite para sa mga full-length direktor ay Hulyo 15, 2024. Para naman sa mga student director sa short film category, Agosto 15, 2024 ang huling araw ng pagpapasa.
“Pagkatapos ng matagumpay na unang takbo ng festival noong Marso, ikinagagalak naming nakapag-iwan ang Puregold ng tatak sa industriya ng pelikula sa Pilipinas. “After a highly successful and celebrated inaugural run in March, Puregold is proud to have started its mark in the Philippine film industry,” sabi ni Vincent Co, Presidente ng Puregold. “Layunin naming ipagpatuloy ito para sa ikabubuti ng mga Filipinong lumilikha ng pelikula. Ngayong taon, hinahamon namin ang mga filmmaker na lumagpas sa kakayahan, magtalakay ng mga bagong paksa habang iniaangat ang halagahan at kulturang Filipino.”
May dalawang kategorya ang Puregold CinePanalo: short film para sa mga mag-aaral at full-length film para sa mga baguhan at propesyonal na direktor. Hindi katulad ng naunang takbo, itinatakda ng Puregold CinePanalo na kailangang kompletong screenplay na ang isumite, upang matukoy ng Selection Committee ang pinakamahusay at kahanay ng tema ng festival. Maaaring sagutan ang aplikasyon sa link na ito:: https://forms.gle/wNUUQ62okYcyW5r37.
Ang lahat ng kuwento ay dapat na nagbibigay-inspirasyon at nakasentro sa temang Mga Kwentong Panalo ng Buhay.
Ikinuwento ni Puregold senior marketing manager at direktor ng festival na si Ivy Hayagan-Piedad ang kahalagahan ng temang ito. “Naghahanap kami ng bagong perspektibo sa paglikha ng mga naratibo. Nais ng Puregold CinePanalo na maging plataporma para sa mga lokal na artista na hamunin ang kanilang mga sarili at maging mas matapang. Hangad naming itampok ang mahuhusay na pelikulang Filipino sa nasyonal–at global–na entablado,” sabi niya.
May maximum runtime na 20 minuto ang mga student short, habang 90 minuto naman ang minimum na haba ng mga full-length na pelikula. Itatanghal ang lahat ng mga nanalong pelikula sa isang film festival sa Marso 14-25, 2025, sa Gateway Cinemas. Kwalipikadong manalo ang lahat ng pelikula sa Puregold CinePanalo Awards Night, na tatanghalin naman sa Marso 19, 2025.
Sa unang taon ng Puregold CinePanalo, itinampok ang mga pelikula nina Kurt Soberano, Sigrid Bernardo, Joel Ferrer, at iba pa. Lumikha naman ng mga student short ang mga batang filmmaker mula sa UP Diliman, Polytechnic University of the Philippines, University of Santo Tomas, at iba pang mga paaralan sa buong bansa.