TULOY na tuloy na ang inaabangang ikaanim na edisyon ng The EDDYS o Entertainment Editors’ Choice ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ngayong taon.
Matapos ma-postpone ang nakatakda sanang awards night noong October 22, 2023, inanunsiyo ng pamunuan ng SPEEd, sa pamamagitan ng Presidente nitong si Eugene Asis, magaganap na ang Gabi ng Parangal sa November 26, Linggo.
Ang pagbibigay parangal at pagkilala ng 6th The EDDYS sa mga natatanging pelikulang Filipino ay magaganap sa Aliw Theater, CCP Complex, Pasay City.
Ito’y ididirehe ng award-winning actor-director Eric Quizon. Magsisilbing host naman ng awards night ang premaydong aktor at producer na si Piolo Pascual. Ihahatid ito ng Airtime Marketing Philippinesni Tessie Celestino-Howard at magkakaroon ng delayed telecast sa A2Z Channel.
Sa inilabas na official statement ng SPEEd, sinabi ni Asis na kinailangang kanselahin pansamantala ang awards night ng The EDDYS na unang naka-schedule noong October 22 dahil sa ilang hindi inaasahang pangyayari na hindi rin kontrolado ng organizer at producer.
Dahil dito, minabuting ilipat ng petsa at venue ang Gabi ng Parangal. Lubos ding humihingi ng paumanhin ang organizer at producer ng event sa nominees at iba pang involved sa produksiyon at sa publikong naghihintay nito taon-taon.
Samantala, limang pelikulang Filipino na nagmarka at nang-agaw ng eksena noong nakaraang taon ang maglalaban-laban sa 6th The EDDYS.
Ang mga nominado sa kategoryang Best Film ay ang Bakit ‘Di Mo Sabihin ng Firestarters at Viva Films; Blue Room ng Heaven’s Best Entertainment, Eyepoppers Multimedia Service, at Fusee; Doll House ng MavX Productions; Family Matters ng CineKo Productions; at Nanahimik ang Gabing Rein Entertainment.
Nominado naman sa pagka-Best Director sina Marla Ancheta (Doll House); Ma-an L. Asuncion-Dagñalan (Blue Room); Real S. Florido (Bakit ‘Di Mo Sabihin); Nuel Crisostomo Naval (Family Matters); at Shugo Praico (Nanahimik ang Gabi).
Magpapatalbugan para sa Best Actress sina Kim Chiu (Always); Max Eigenmann (12 Weeks); Janine Guttierez (Bakit ‘Di Mo Sabihin); Nadine Lustre (Greed); Heaven Peralejo, (Nanahimik ang Gabi); at Rose Van Ginkel (Kitty K-7).
Bakbakan naman sa pagka-Best Actor sina Elijah Canlas (Blue Room); Baron Geisler (Doll House); Noel Trinidad (Family Matters); Ian Veneracion (Nanahimik ang Gabi); at JC de Vera, (Bakit ‘Di Mo Sabihin).
Paglalabanan naman nina Mylene Dizon (Family Matters); Matet de Leon (An Inconvenient Love); Althea Ruedas (Doll House); Ruby Ruiz (Ginhawa); at Nikki Valdez (Family Matters) ang tropeo para sa kategoryang Best Supporting Actress.
Para sa Best Supporting Actor, nominado sina Nonie Buencamino (Family Matters); Mon Confiado(Nanahimik ang Gabi); Soliman Cruz (Blue Room); Sid Lucero (Reroute); at Dido dela Paz (Ginhawa).
Ang annual event na ito na mula sa samahan ng mga entertainment editors sa Pilipinas ay nagbibigay ng pagkilala at pagpapahalaga sa mga pelikula at personalidad na itinuturing na “best of the best” sa Philippine Cinema.
Ang SPEEd ay binubuo ng mga current at former entertainment editors ng mga leading newspaper at online site sa Pilipinas, sa pangunguna ng presidente nitong si Eugene Asis ng People’s Journal.
Ang pamamahagi ng parangal ng SPEEd ay isang paraan din para hikayatin, lalong pataasin ang morale at patuloy na magbigay-inspirasyon sa Filipino filmmakers, producers, writers, actors at iba pang kasama sa pagbuo ng isang matino at dekalibreng pelikula.