TAOS-PUSONG nagpapasalamat ang Primetime King na si Coco Martin sa mga taga-subaybay ng FPJ’s Batang Quiapo na nakakuha na ng higit 10 milyong online views ang trailer para sa bagong yugto ng serye sa ilalim ng 24 oras.
“Pinipilit namin gumawa ng palabas na alam namin mapaliligaya ang mga manonood gabi-gabi. Ayoko kasing tipirin ‘yung mga manonood natin. Naa-appreciate ko kasi ‘yung pagmamahal nila,” sabi ni Coco.
Pinuri rin ni Coco ang dedikasyon ng kanyang mga co-star sa serye kabilang sina Jaclyn Jose at Ivana Alawi na mga bagong karakter na papasok sa buhay ni Tanggol (Coco).
“Masaya ako kasi nakikita ko ‘yung suporta ng mga kasamahan kong artista sa bawat eksenang ginagawa namin. Nagpapasalamat ako dahil itong teleserye ang nagiging daan para makapag-communicate tayo sa mga tao at nakapagbibigay tayo ng saya at inspirasyon gabi-gabi,” sabi pa ni Coco.
Nagpatikim din ang FPJ’s Batang Quiapo para sa bago nitong yugto sa isang pasabog na trailer na unang beses na naglabas si Coco ng isang trailer ng bagong season para isang TV series. Isa sa mga kaabang-abang na rebelasyon ang paghaharap ng dalawang babae sa puso ni Tanggol na sina Mokang (Lovi Poe) at Bubbles (Ivana).
“I’m just so happy sa different turn of events especially when we shot the trailer. I’m so excited to share the screen with these wonderful actors and I’m so excited din to do scenes with Ivana,” ani Lovi.
Pagbabahagi naman ni Ivana, sabik na sabik na siyang sumabak sa action scenes bilang isang tindera sa umaga at tirador naman sa gabi.
“Super excited because it’s my first time to do this kind of character and also mag-action. Abangan niyo ang totally different Ivana and a totally different character sa lahat ng na-play ko. This is really something new and something na ma-eenjoy niyo,” saad niya.
Lubos din ang pasasalamat ni Jaclyn na makatrabaho ang star-studded cast ng FPJ’s Batang Quiapo tulad nina Charo Santos, Cherry Pie Picache, Christopher de Leon, at iba pang bigating artista.
“Kapag hindi ako nakapasok sa soap ni Coco, parang hindi kompleto ‘yung pagiging artista ko. Kailangan namin makasabay, kundi man namin mapantayan, ‘yung taas ng lahat ng mga karakter na nandito dahil talaga naman bawat character ay lumalaban,” sabi ni Jaclyn.
Samantala, nakaabang na ang netizens sa bagong yugto ng serye pagkatapos mag-trending sa social media ang ilang mga pasilip na eksena. Viral na nga ang isang post ng Klasik Titos and Titas of Manila tungkol sa “rag-to-riches” na kuwento ni Susan Africa na nakakuha na ng 163,000 likes at iba’t ibang memes.
“After three decades, wala na siyang ubo. The world is healing! First time na hindi mahirap at hindi na inuubo ang role ni Susan Africa,” sabi sa post.
“Ms Susan Africa on her most Rockwell Plantita role,” komento ng sikat na social media influencer na si Macoy Dubs. “Miss Susan Africa after niya magnomo esss ng Robitussin chiiiiii.”
Natuwa rin ang netizens sa isang eksena na nabuking na ni Ramon (Christopher de Leon) ang totoong pagkatao ni David (Mccoy De Leon). Pero sa tingin ng ibang netizens, baka panaginip lang ang eksenang iyon at hindi pa malalantad ang pagpapanggap ni David.
“Finally yung gigil nating lahat sa walanghiyang David na yan matutuldukan na hahahaha, lagot ka ngayon,” sabi naman ni @remuel004 tungkol sa tila pagpatay ng karakter ni Mccoy.
“Sana naman di yan panaginip ni david huh!! Banas na banas na ko dyan sa kayabangan ni david & rigor,” sabi ni @Maryella1703.
Huwag palampasin ang maaaksyong kaganapan sa FPJ’s Batang Quiapo, na hango sa orihinal na kuwento ng Regal Films, gabi-gabi, 9:00 p.m. sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.