NAKAPASOK sa shortlist ng New York Festivals TV & Film Awards ngayong taon ang public affairs program ng ABS-CBN News na KBYN: Kaagapay Ng Bayan ni Kabayan Noli de Castro,na ito lamang ang tanging kalahok ng Pilipinas sa News: Best Public Affairs Program category.
Inilabas ng organisasyon sa opisyal nitong website ang shortlist, na binubuo ng iba’t ibang TV at film entries mula sa buong mundo.
Ang KBYN ang pagbabalik sa telebisyon ni Noli noong Abril 2022 na nagtampok ng mga kUwento ng tagumpay, pati na rin ang pakikibaka ng mga ordinaryong Filipino, tuwing Linggo ng hapon. Sa kasalukuyan, naging isang espesyal na segment na ito sa TV Patrol na pinamagatang KBYN Special Report. Available ang mga episode ng KBYN sa YouTube channel ng ABS-CBN News.
Bukod sa prestihiyosong karangalang ito, kinatawan din ng KBYN ang Pilipinas sa 2022 Asian Academy Creative Awards nang hirangin ito bilang national winner sa kategoryang Best Current Affairs Programme or Series. Samantala, ginawaran si Noli bilang Most Outstanding Public Affairs Show Host para sa KBYN sa 5th Gawad Lasallianeta noong Enero.
Pinaparangalan ng New York Festivals TV & Film Awards ang content mula sa mahigit 50 bansa, na kinikilala ang mga innovator sa industriya sa 14 na kategorya: News Program, News Reports/Features, Sports Programs, Documentary, Entertainment Programs, Entertainment Specials, Program Crafts, Promotions/Station ID & Open , Promo/ID at Open Crafts, Streaming, Student, Films, Corporate Image, at Film Crafts.