SAMPUNG tinitingala at inirerespetong alagad ng sining ang bibigyang-pagkikilala sa gaganaping 5th The EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).
Tulad ng mga nagdaang taon, 10 mahuhusay at itinuturing na haligi ng industriya ng pelikulang Pilipino ang pararangalan ng SPEEd bilang mga Icon awardees ngayong 2022.
Ito’y para sa hindi matatawarang kontribusyon at pagmamahal nila sa movie industry sa loob ng mahabang panahon.
Ang 5th The EDDYS Icon honorees ay sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, Phillip Salvador, at Roi Vinzon. Kasama rin sa bibigyang-parangal ang mga de-kalibreng aktres na sina Helen Gamboa, Divina Valencia, Elizabeth Oropesa, Sharon Cuneta, at Alma Moreno.
Para naman sa mga special awards ng ikalimang edisyon ng The Eddys ipagkakaloob ang Joe Quirino Award sa entertainment journalist at TV correspondent na si Mario Dumaual.
Ang scriptwriter at dati ring editor na si Eric Ramos ang tatanggap ng Manny Pichel Award habang ang
Rising Producer Circle award ay ipagkakaloob sa Rein Entertainment.
Ang Viva Films naman ang napili ng SPEEd bilang Producer of the Year.
Para sa Isah Red Award, pararangalan naman sina Gretchen Barretto, Kris Aquino, Alfred Vargas; Kapuso Foundation, at Sagip Kapamilya.
Nauna nang inihayag ng SPEEd ang mga nominado para sa iba’t ibang kategorya ng 5th The EDDYS.
Maglalaban-laban para sa Best Film ang Arisaka (Ten17 Productions), Big Night, (IdeaFirst Company) Dito at Doon (TBA Studios); Kun Maupay Man It Panahon (Black Sheep, Globe Studios, Dreamscape Entertainment); at On The Job: The Missing 8 (Reality Entertainment).
Ang ikalimang edisyon ng The EDDYS ay ipiniprisinta ng Globe Telecom sa pakikipagtulungan ng Beautederm, NCCA, MET at sa suporta ng Tanduay, kasama rin sina Dr. Carl Balita of Dr. Carl Balita Foundation, JFV Rice Mill, at Bataan Rep. Geraldine B. Roman.
Katuwang din ng SPEEd sa pagdaraos ng The EDDYS ang Fire And Ice Media and Productions, Inc., ang kumpanyang itinatag nina Liza Diño at Ice Seguerra.
Magaganap ang ikalimang edisyon ng The EDDYS sa November 27 sa Metropolitan Theater (MET) na ididirehe ng OPM icon at award-winning singer-songwriter na si Ice Seguerra. Magsisilbi namang host ng event ang talent manager at premyadong TV personality na si Boy Abunda.
Ang pagbibigay ng award ng SPEEd ay isang paraan para hikayatin, lalong pataasin ang morale at patuloy na magbigay-inspirasyon sa Filipino filmma-kers, producers, writers, actors at iba pa na bumuo ng makabuluhan at de-kalidad na pelikula.
Ang SPEEd ay samahan ng mga entertainment editor ng major broadsheets at tabloids sa bansa, sa pangunguna niEugene Asis (ng People’s Journal) bilang presidente.