ANG phenomenal University Series sa Wattpad, na mayroong 550 million combined reads, ay mapapabilang na sa mga sikat na book-to-screen adaptations mula sa Viva.
Mula sa panulat ni Gwy Saludes (mas kilala bilang 4reuminct), ang seryeng ito ay binubuo ng anim na love story na nagsimula sa mga pangunahing unibersidad sa Pilipinas.
Ang The Rain in España na ididirere ni Theodore Boborol (na siyang nasa likod ng Finally Found Someone; Vince, Kath & James) ay iikot sa pag-iibigan ng isang taga-UST at isang Atenista. Ang romantic comedy series na ito ay magkakaroon ng sampung episodes.
Para bigyang buhay ang mga makukulay na karakter, pinagsama ng Viva ang kanilang mga naggagalingang young stars.
Si Heaven Peralejo ay gaganap bilang si Louisse Natasha Valeria, or Luna for short. Kumukuha siya ng Architecture sa UST. Masayahin kung titingnan pero seryoso ito sa kanyang pag-aaral. Maalalahanin ito sa mga kaibigan, pero isang lalaki ang pupukaw ng puso niya.
Si Marco Gallo si Kalix Jace Martinez, kumukuha ng Legal Management sa Ateneo. Gwapo, mayaman, at matalino, pero may pagka-misteryoso. Alam niyang pagdo-doktor ang gusto ng kanyang ina para sa kanya, kaya nakakadagdag pa ito sa mga stress niya sa eskuwelahan. At darating pa nga si Luna na talagang magpapapansin sa kanya.
Sa kabila ng pagkakamabutihan ng dalawa, tila nakatakdang mauwi sa hiwalayan ang kanilang relasyon.
At makalipas ang sampung taon, magkikita silang muli. Isa nang head architect si Luna habang corporate laywer na si Kalix.
Unang kinakiligan ang tambalan nina Marco at Heaven sa PBB teens. MarVen ang tawag ng fans sa kanilang loveteam. Ang The Rain in España ang kanilang onscreen reunion pagkatapos ng kanilang PBB stint.
Hindi makukompleto ang kuwento kung wala ang buong barkada.
Si Yanna, ang pinaka-wild sa mga kaibigan ni Luna, at gagampanan ni dating Girltrend member Krissha Viaje. “No strings attached” ang motto niya pagdating sa pakikipagrelasyon. Mas makikilala siya sa book 2, ang Safe Skies, Acher.
Si Sevi, ang loyal na kaibigan ni Luna na may secret crush sa kanya, ay gagampanan ng Viva hottie na si Gab Lagman. Isa siyang Engineering student at team captain ng basketball team. Nagtatrabaho ito ngayon bilang engineer sa firm ni Luna. Ang Book 3: Chasing in the Wild ay iikot naman sa kuwento ng campus heartthrob na ito.
Si Samatha, ang kaibigan ni Luna sa Ateneo, ay gagampanan ng multi-talented actress na si Aubrey Caraan. Siya ay isang Communication Arts student. Lagi nitong inuuna ang mga kaibigan kaysa sarili. Si Yanna ang bibida sa book 4, ang Avenues of the Diamond.
Si Via, isang Archi student tulad ni Luna, ay gagampanan ng young actress na si Bea Binene. Siya ang tumatayong “conscience” ng kanilang barkada. Abangan ang kuwento niya sa book 5, ang Golden Scenery of Tomorrow.
Si Kierra, ang pinsan at best friend ni Luna, ay gagampanan ni singer-actress Nicole Omillo. Kumukuha rin ito ng kursong Architecture sa UST. Mahuhulog si Kierra sa anak ng politiko na gagampanan ni Francis Magundayao. Saksihan ang tamis at pait ng buhay ni Kierra sa book 6, ang Our Yesterday’s Escape.
Kasama rin sa magbibigay-kulay sa kuwento nina Luna at Kalix ang iba pang characters mula sa libro na sina Amethyst, Adonis, at Leo.
Si Amethyst, na gagampanan ng newcomer na si Gabby Padilla, ang babaeng gusto ng nanay ni Kalix para sa kanya.
Si Adonis ay gagampanan ng young heartthrob na si Andre Yllana, ang gagawa ng paraan para muling magkatrabaho sina Luna at Kalix para sa isang special project.
Si Leo, na gagampanan ni model-actor Frost Sandoval ay isa rin sa mga closest friends ni Kalix sa Ateneo.
Sa kabilang banda, sobrang excited naman ang kilala sa mga pelikula at teleserye na naglunsad sa mga career nina Andrea Brillantes, Julia Barretto, at Joshua Garcia, ang box-office director na si Theodore Boborol para sa kanyang kauna-unahang Viva project.
Siyempre ang isang magandang youth romance series gaya ng The Rain in España ay nangangailangan ng magandang music kaya naman ibubuhos ng multitalented artist na si Kean Cipriano ang kanyang galing bilang musical director ng series na ito. Maririnig natin ang mga bagong track mula sa up-and-coming artists ng O/C Records.
Ang The Rain in España ay hindi lamang para sa mga avid reader ng University Series ni 4reuminct, kundi para sa lahat na mahihilig sa romantic comedies. Abangan ang iba pang detalye kung kailan ito ipalalabas. Bisitahin lagi ang Viva’s social media pages para sa iba pang updates. (MVN)