HINDI nakatatakot, pero nakagugulat. Ganyan ang sumalubong na Halloween sa mga tao sa Snow World Manilasimula sa linggong ito. Hindi nila talaga ginagawang nakatatakot dahil sa mga bata ang karamihan sa mga pumapasok sa Snow World, bukod nga sa magbubukas naman ng horror attraction ang Star City, para sa mga gusto ng katatakutan talaga.
Ang Halloween sa Snow World ay katuwaan din. May makikita kayong mga bampira, ice zombies, mga mangkukulam at ang legendary snow ghost na si Yukki Onna. Sa mga kuwento, si Yukki Onna ay namatay sa isang snow avalanche sa Japan, at magmula noon nagpapakita siya sa mga naglalakad sa snow lalo na sa gabi, para paalalahanan sila na mag-ingat lalo na at masama rin ang panahon.
Habang ine-enjoy ang Halloween sa Snow World, nariyan pa rin ang 30 metrong ice slide, mas maikli kaysa dati, pero mas ligtas naman. Pinalawak ang snow area kaya pwede nang makapaglaro sa tunay na snow, at maranasan ang totoong snow fall. Kung kayo’y giniginaw na, maaari kayong uminom ng mainit na kape o tsokolate sa mismong Snow World Café na nasa loob ng attraction.
Ang Snow World Manila na kaisa-isang Snow Attraction sa buong Luzon ay bukas mula Huwebes hanggang Linggo, 12:00 noon hanggang 8:00 p.m..
Ngayon muling magkakaroon ng katuparan ang laging pangarap na makakita ng tunay na snow at magkaroon ng white Christmas, matapos na maghintay na muli ng tatlong taon.