NANANAWAGAN ang grupo ni Jun Evangelista, pangulo ng Alagaan Natin Inang Kalikasan (ANI.KALIKASAN), isang Clean Air Advocate, kay bagong Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista upang muling makapag-operate ang Private Emission Testing Centers (PETC) na pinag-initan ng nakaraang administrasyon upang mapaboran ang operation ng Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs).
Sa isinagawang press conference nitong Miyerkoles ng umaga, 31 Agosto, sinabi ni Evangelista, sinikil ng administrasyon ni dating DOTr Secretary Art Tugade ang mga PETC operator para magkaroon ng laya na mamonoplyo ng PMVIC Operator ang motor vehicle inspections.
Aniya, maraming anomalya sa nakaraang administrasyon tulad ng puwersahang paglikha ng PMVICs operations sa ating bansa.
“We, all the members of our PETC Community, now look upon the Honorable (Bautista) as our beacon of hope, strength and belief that finally, PETCs would be heard and given a level playing field. Officers and key members will be more than willing, keen and even look forward to a personal audience with the Honorable Secretary Bautista and Land Transportation Chief Assistant Secretary to provide more specifics and enlightenment on the tragic plight of the PETC community for the past (6) years and continued commitment and support for the new Administration,” pahayag ni Evangelista.
Inihayag din niya, ang tunay na dahilan sa rebokasyon at kanselasyon ng PETCs ay ang Department Order 2018-019 and Amended DO 2019-002 na direktang nagparalisa sa 1,300 PETC members sa buong bansa na pinalitan ng tinatayang 138 PMVICs na namayagpag sa kani-kanilang piniling lungsod, kung saan, ang bagong circular ang naging batas na isang PMVIC lamang ang mag-o-operate sa isang major city sa lahat ng rehiyon sa ating bansa.
Bunsod nito, nakahanda umano si Evangelista, sakaling ipursigi ang imbestigasyon sa mga anomalya sa nakaraang administrasyon ay maibabahagi niya ang ilang mahahalagang dokumento ng korupsiyon.
Ngunit, kung pagsapit ng 15 Setyembre 2022 ay walang pag-usad sa imbestigasyon, mapipilitan umano silang ibulgar sa publiko ang pinanghahawakan niyang mga ebidensiya laban sa mga tiwaling opisyal sa dating administrasyon ng DOTr. (EDWIN MORENO)