NASAMSAM ang P24-milyong halaga ng ilegal na droga habang arestado ang 180 katao sa ikinasang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) sa loob ng pitong araw sa 14 bayan sa lalawigan ng Rizal.
Sa ulat ni Rizal PPO Provincial Director P/Col. Dominic Baccay kay PRO4A PNP Regional Director P/BGen. Antonio Yarra, nakompiska ng mga awtoridad ang 365.41 gramo ng shabu at 14.1 gramo ng marijuana na may kabuuang halagang P2,492,802 sa 81 operasyon habang nasakote ang 180 katao sa pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad mula 13 hanggang 19 Hunyo.
Nabatid, sa 180 nadakip, 111 ang sangkot sa ilegal na droga at 69 ang wanted persons.
Samantala, narekober sa anim na katao ang anim na armas sa apat na operasyong kabilang ang kampanya kontra loose firearms.
Ayon kay Baccay, ang pinaigting na operasyon kontra kriminalidad ng PNP ay nagsilbing babala sa lahat ng mga kriminal at hindi titigil ang pulisya ng Rizal para tiyakin ang kaligtasan ng publiko. (EDWIN MORENO)