SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
INAMIN ni Ayanna Misola na sobra siyang na-challenge sa pelikulang ipinagkatiwala sa kanya ng Viva Films, ang Ang Babaeng Nawawala Sa Sarili sa unang kinabaliwan sa Hiwaga Komiks. At binigyang buhay naman sa pelikula ng premyadong aktres na si Dina Bonnevie noong 1989.
Ayon kay Ayanna sa isinagawang digital media conference noong Biyernes, pinanood niya ang pelikula ni Dina bago sila mag-lock pero iginiit na iba ang istorya ng kanilang bersiyon.
“Sobrang layo ng background ko sa ngayon as Albina sa naunang movie. So, magkaiba ang approach na nagawa ko. Hindi siya katulad ng ginawa ni Ms Dina,” giit ng itinuturing na Vivamax A Lister.
“Sobrang challenging pa para sa akin itong pelikula kasi sobrang idol ko talaga si Ms. D. Chilhood idol ko siya siyempre gusto kong mahigitan ang nagawa ko before na films and at saka remake ito na sana nabigyan ko ng justice ‘yung role ko as Albina,” sambit pa ni Ayanna.
Si Ayanna ay unang pinakilala sa pelikulang #Pornstar2: Pangalawang Putok noong nakaraang taon, at sinundan ng Siklo, Kinsenas, Katapusan, Putahe, at ang hit series na L at Iskandalo.
Kasama ni Ayanna sa Ang Babaeng Nawawala sa Sarili sina Diego Loyzaga (Lawrence) isang photographer na makikilala ni Albina sa isang party. Siya ang magiging nobyo ni Albina; Si Adrian Alandy (Wendell), ang ex-boyfriend na obsessed kay Albina kahit nagtaksil ito sa kanya, pabor pa rin dito ang kanyang mga magulang, at si Mon Confiado (Greg), ang designer at may-ari ng bigating Manos Fashion House. May kapangyarihan siyang bigyan ng big break si Albina bilang modelo.
Magiging makulay ang buhay ni Albina dahil sa kanila, ngunit may isang maitim na elemento na sasapi sa kanya at gugulo sa kanyang mundo. Ito ay si Olivia na ginagampanan ni Ava Mendez.
Ayon sa tinaguraing Cult Director na si Roman Perez, Jr. sulit ang subscription sa panonood ng Ang Babaeng Nawawala sa Sarili dahil sa pagiging mas progresibo nito sa naunang version. Mas makabago at grounded sa issues ng kasalukuyan ang 2022 version. At sigurado si Direk Roman na walang ibang karapat-dapat gumanap sa role kundi si Ayanna.
Naging malaking hamon din kay Ayanna ang paggawa ng pelikulang ito. Sa first shooting day kasi ay nagkaroon siya ng anxiety attack dahil sa matitinding eksena.
Kuwento ni Ayanna, tila na-high blood pa siya habang ginagawa ang pelikula.
“Na-pressure po kasi ako dahil sa matitinding eksena. Kasama ko po ‘yung mga co-stars ko noon at nanginginig talaga ako.
“Mabuti na lang po at very understanding si Direk Roman dahil pinag-rest muna niya ako and pina-recover bago itinuloy ang scene. Pinakalma muna nila ako bago nag-resume ang shooting,” sambit pa ni Ayanna.
Mapapanood sa Vivamax ang Ang Babaeng Nawawala sa Sarili simula July 15, 2022.