FEEL n’yo bang makarinig ng mga awitin na pinasikat noong 80’s? Well, ito na ang inyong pagkakataon dahil nagbabalik si Marco Sison para sa kanyang special concert, ang An 80s SaturDATE sa June 11 sa Teatrino Promenade, Greenhills.
A must see musical spectable ang An 80s SaturDATE dahil ito ang unang pagkakataon na muling haharap sa live audience si Marco at first solo concert niya na ididirehe ni Calvin Neria at musical direction ni Bobby Gomes.
Hindi lang sa ‘Pinas kilala si Marco bilang isa sa major pillars ng OPM dahil na rin sa kanyang mga pinasikat na awiting tulad ng My Love Will See You Through, Si Aida, Si Lorna, O Si Fe, I’ll Face Tomorrow, Make Believe at iba pa. Maging sa ibang bansa ay kilala rin si Marco dahil sa mga awitin niyang ito.
Kaya sa mga loyal fans ni Marco at sa mga music lovers isa itong regalo ni Marco dahil tiyak na magpaparinig siya ng mga tinatawag na eclectic line-up na kanta mula sa homegrown ballads ng 80s hanggang sa anthemic love songs ng mga pinasikat niya, gayundin ang mga sampling ng 80s dance tunes na tiyak ikaiindak ng mga audience.
“After two years of pandemic and doing virtual shows, I am very excited to perform in this show. It will be a lot of fun as Teatrino is a very intimate venue and this will give me the opportunity to bond and interact with the audience. Of course, our production will still follow all the necessary safety protocols,” ani Marco.
Makakasama ni Marco bilang espesyal niyang panauhin si Rita Daniela. Magpaparinig din ng kanilang awitin ang up-and-coming artists na sina Elisha at Andrea Gutierrez. Magbibigay din kasiyahan ang dating Presidential chief legal counsel na si Sal Panelo.
Ang An 80s SaturDATE ay isinakatuparan ng Echo Jham Entertainment Productions sa tulong ng TAG Media, Cowboy Grill, Eurotel, Aficionado, BEXCS Logistics Solution, Zoomanity Group, The Manila Times, JMJ Events Place, Bubbli Moo’re, at Beauty Jham Aesthetics. Para sa tickets, tumawag sa TicketWorld sa 8891-9999 o bisitahin ang www.ticketworld.com.ph.