SA LOOB ng halos isang buwan, nananatiling 0% ang CoVid-19 bed occupancy rate sa Ospital ng Parañaque City District 2.
Ibig sabihin umano, wala nang residenteng may CoVid-19 sa lungsod ang nagtataglay ng severe cases ng virus.
Ayon sa Parañaque City Public Information Office (PIO), bumaba sa 27 ang aktibong kaso sa lugar, karamihan ay nasa home quarantine.
Sa datos ng City Health Office, umabot sa mahigit 1,400 bagong kaso ang nadagdag sa Parañaque ngayong buwan ng Pebrero.
Hindi hamak na mas mababa kompara sa mahigit 10,800 kaso na nadagdag noong buwan ng Enero.
Sa ngayon, mahigit 50,500 ang kompirmadong naging kaso ng CoVid-19 sa lungsod.
Ang 98% ay gumaling o katumbas ng halos 49,700 pasyente.
Habang nasa 1.54% o 778 ang bilang ng mga nasawi dahil sa CoVid-19. (GINA GARCIA)