YANIG
ni Bong Ramos
HANGGANG sa kasalukuyan ay wala pa rin balita sa mga sabungerong nawawala mula noong sinundo sila sa kani-kanilang mga bahay, dalawang buwan na ang nakararaan.
Wala anilang nangyayari sa kaso hanggang sa ngayon, walang progreso, no developments at ni hindi umuusad kahit konti mula’t sapol nang magreklamo sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – Manila.
Mantakin ninyong sa loob ng dalawang buwan ay wala man lang lead sa kaso? Isipin ninyong wala rin nakukumbida at inaanyayahang suspect/s o person/s of interest, samantala sa sabungan mismo ay napakaraming buhay na saksi.
Para raw mga patay na lukan at pawang mga symbolic figure lang ang mga awtoridad na may hawak ng kaso. Hindi man lang daw nila makitaan ng interes at pagiging agresibo sa kabila ng ginagawa nilang pangungulit sa araw-araw.
Sa mga unang ulat, umabot na sa 26 ang bilang ng mga sabungerong nawawala, hindi natin alam kung nadagdagan pa ito. Karamihan sa kanila ay taga-Tondo at ang ilan naman ay sa iba’t ibang parte ng Maynila at karatig.
Iisa lang anila ang estilong ginawa sa mga sabungero. Sinadya at pinuntahan sa kani-kanilang mga bahay, sapilitang isinakay sa isang van na para bang dinukot dahil wala man lang abiso o paliwanag kung bakit at kung saan dadalhin.
Napag-alamang, karamihan sa kanila ay dinala sa Manila Arena, kung saan sila nagsasabong. Muling nakita silang palabas ng arena lulan pa rin ng nasabing van at iyon na raw ang huling gabi na sila ay nakita.
Mula noon at hanggang sa kasalukuyan, wala na silang naging balita kung saan dinala at kung buhay o patay na ba. Mahirap yata ang ganitong sitwasyon, ‘di po ba? Mahirap yata ang maghanap ng wala ka na palang hina-hanap. Tsk tsk tsk…
Ipinapalagay ng pamilya at kamag-anak ng mga sabungero na ‘tapos na daw ang boxing.’ Meron na anilang dibidendong kinubra ang mga kinauukulan kung kaya’t nagtataingang-kawali na lang.
Sinabi rin nilang iba rin daw ang koneksiyon at inpluwensiya ng may-ari ng arena at may palaro ng
online sabong. Pera-pera lang, pera damdamin. He he he…
Ayon sa CIDG-Manila, ang mga sabungero raw ay may kinalaman sa game-fixing at marami rin atraso sa kung sino-sinong mga tao kung kaya’t komplikado raw ang kanilang pagkawala.
So what, gano’n-gano’n na lang ba ang proseso sa kasong ito? Pawang akusasyon na lang, walang pruweba at basehan man lang, masyado naman yatang unfair ang laban.
Paano n’yo naman nalaman, samantala, hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nakikita at sigurado rin hindi pa nakakausap o baka naman nakausap n’yo na kaya lang ay secret o visual effect. He he he…
Sinabi ng pamilya at kamag-anak ng mga sabungero na parang wala na raw silang inaasahang mangyari sa kaso dahil nararamdaman daw nila ito. Nawawalan na rin daw sila ng tiwala sa nagiging kalakaran.
Hinggil dito, napagpasyahan daw nila na humingi ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) na alam nilang may prinsipyo at paninindigan. Hindi naman daw siguro masama at kasalanan na humingi ng 2nd option sa iba.
Wala daw problema ayon sa NBI, dangan nga lang ay pinayohan din sila ng nasabing ahensiya na dumulog din sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na sigurado raw na kikilos at gagalaw lalo sa mga ganitong sitwasyon.
KASO NG COVID19 BUMABABA,
PAGTAAS NG ‘PETROLEUM
VARIANT’ TULOY-TULOY
Patuloy na bumababa ang kaso ng CoVid-19 sa National Capital Region (NCR), mga karatig at maging sa buong bansa kung kaya’t hindi malayong ibaba sa alert level 1 ang community quarantine sa susunod na mga araw.
Ang pagbaba ng kaso ng virus partikular ang Omicron variant ay mabilis rin namang pinalitan ng ka-kaibang variant na kung tawagin ay ‘petroleum variant’ na halos tatlong linggo nang tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo sa merkado. Ito ay lubhang ikinababahala ng mamamayan.
Gaya ng Omicron at iba pang variants, pinapahirapan at pinaparusahan din ng ‘petroleum variant’ ang madlang people. Puwede rin maging sanhi ito ng kamatayan dahil sa sobrang stress kung patuloy pa rin itong tataas.
Sana naman ay gawan agad ng paraan ito ng gobyerno dahil ang variant na ito ay hindi lang super-spreader kundi highly-contagious pa.
Malaking parusa ito kay Juan de la Cruz dahil madali itong makahawa at siguradong may kalakip na pighati at sobrang kalungkutan dala ng sobrang pag-iisip.
Sa kasalukuyan, hindi pa natin alam kung anong klaseng protocol ang ipapatupad ng ating gobyerno upang pigilan ito. Under study pa yata ng iba’t ibang ahensiya na obligadong isangguni pa rin kay Pangulong Digong Duterte at the end of the day.
Harinawa’y masugpo agad ito bago maging ganap na pandemya na magdudulot ng krisis partikular sa ating ekonomiya na kasalukuyan pa lang umaangat.