NANGUNA sa panawagan ang isang kinatawan ng partylist group na tangkilikin ang mga kasuotang gawang Pinoy, lalo ang hinabing gawa sa pis syabit sa Sulu.
Naunang nakipagkita si Congressman Shernee Tan-Tambut ng Kusug Tausug party list sa bantog na Filipino designer na si Ann F. Ong upang bumuo ng planong itaguyod ang paghabi ng pis siyabit mula sa lalawigan ng Sulu, pati na ang kanilang kultura, upang maihanay sa disenyong mula sa Filipinas na itinataguyod ni Ms. Ong.
Sa naturang pagpupulong na dinaluhan ni Ms. Ong, kanyang asawang si Jason at anak na si John, isa rin mahusay na designer at digital marketing expert, kasama ang iba pa, napag-usapan ang pagtataguyod ng pis syabit sa New York at kalaunan ay sa iba pang fashion capital sa buong mundo.
Nang suriin ni Ms. Ong at kanyang anak ang dalang pis syabit ni Cong. Tan-Tambut, kapwa sumang-ayon ang mag-ina na may potensiyal sa pandaigdigang merkado ang damit mula sa Sulu.
Ang pis syabit ang nag-iisang uri ng damit na hinabi sa Sulu na gawa sa bulak at sutla na kadalasan ay may metalikong gintong sinulid kapag hinahabi. Ito ang kasuotan ng mga lalaking Tausug sa mahahalagang okasyon na nakasampay sa kanilang balikat bilang palamuti at palatandaang kabilang sila sa sosyedad. Sa makabagong panahon, ang pis syabit ay ginagamit bilang pangunahing materyal o palamuti sa kasuotan at ginagamit din bilang burloloy.
Dahil hinabi ng Muslims, natural na mayroon itong geometrikong pamamaraan dahil ipinagbabawal sa Islam ang paglikha ng kahalimbawa ng mga buhay na bagay, maging ito ay tao, halaman, o hayop.
Aktibo ang kongresista sa pagtataguyod ng ganitong uri ng kasuotan at iba pang produkto sa Sulu mula sa unang termino ng kanyang panunungkulan bilang kinatawan ng party list. Noong taong 2016, sa State of the Nation Address, kinilala bilang ten best dressed ladies ang kongresista sa suot niyang may palamuting pis syabit modern terno.
Hinimok din ni Cong Tan-Tambut ang mga miyembro ng Kusug Tausug party list na aniya ay mga KT community, na tulungan siyang simulan ang kampanya sa pagbili ng mga lokal na produkto na makatutulong sa maliliit at malalaking negosyante para muli silang makabangon.
Pinuna rin niya ang paglaganap ng mga mura ngunit mababang kalidad ng imported na kasuotan sa merkado kaya’t nais niyang himukin ang mga Filipino na tangkilikin ang mga kasuotang gawa sa Filipinas bilang tulong sa maliliit na manininda, pati sa mga Pinoy designer para makabangong muli sa pagkalugi dulot ng pandemya.
Inisa-isa niya ang benepisyo sa pagbili ng kasuotang gawang Pinoy at sinabing “ One, it boosts our economy because the money paid for the clothes go to the local designers and their helpers, the local dressmakers and the retailers. That is true for Philippine-made RTW as well as for exclusively-designed clothes. Two, we have very good designers; they are starting to get noticed by the world, so for those who go for designer clothes, why not be the proud owner of an exquisite Filipino design? Three, and this is specific for the pis syabit, every piece is an original art work, so anyone who has a pis syabit adorning his/her clothes is assured of ownership of an original piece of art that evokes the history and artistry of the Tausugs. And most importantly, for every pis syabit bought, one family in Sulu is one step closer to getting out of poverty.”
Tiniyak ng kongresista na hindi siya titigil sa pagtataguyod ng pis syabit at sa kultura ng Sulu dahil nais niyang maintindihan ng bawa’t Filipino ang pamamaraan sa buhay ng mga Tausug lalo’t pamilyar siya sa kagandahan at kakaibang kultura sa Sulu.Ang popular na pagtanggap sa mga kasuotan ay isang epektibong paraan upang maiangat ang ekonomiya ng mga Tausug.
Si Cong. Tan-Tambut, kasalukuyang chairperson ng House of Representatives’ Special Committee for Globalization/WTO, ay nasa ikalawa na niyang termino bilang kinatawan ng Kusug-Tausug party list na kabilang sa mga party list na naghahangad magwagi sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Kabilang sa adbokasiya ng grupo ang mapabilang at mapanatili ang paglago ng kabuhayan ng marginalized sectors, partikular ang mga Tausugs at iba pang komunidad ng mga etnikong Filipino Muslim at iba pang kulang ang representasyon tulad ng maliliit na magsasaka at mangingisda, matatanda, walang kakayahan, mga manggagawa at kanilang pamilya na nabubuhay sa nang mas dahop sa itinatakdang linya ng kahirapan.