NAGPADALA ng consular team ang Philippine Embassy sa Warsaw, Poland upang umalalay sa mga Pinoy sa Lviv, Ukraine na posibleng maipit sa nagbabantang gera doon.
Ang naturang hakbangin ay upang tiyakin ang pagbibigay ng agarang tulong sa mga Pinoy.
Binubuo ng dalawang personnel ng Philippine Embassy, ang consular team ng Consul at ATN officer na may koordinasyon sa Philippine Honorary Consulate General sa Kyiv, na dumating noong Huwebes at kaagad silang naglagay ng emergency contact base.
Magsasagawa ng monitoring sa sitwasyon ng Ukraine at laging makikipag-ugnayan sa mga Pinoy sa nasabing bansa.
Sa unang araw ng misyon ng consular team, ipinatupad ang repatriation flight sa ilang Pinoy na nasa Lviv patungong Maynila.
Nakipagkita ang team sa dalawang grupo ng mga Filipino na pansamantalang naka-relocate sa area ng Lviv mula sa Kyiv para sa pag-iingat.
Mahigpit na nakikipag-ugnayan ang naturang team sa Department of Foreign Affairs (DFA) Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA) at sa Philippine Honorary Consulate General sa Kyiv para sa pag-aayos ng repatriation sa mga Pinoy na nasa Ukraine. (GINA GARCIA)