ARESTADO ang tatlong Chinese nationals sa ikinasang rescue operation ng mga awtoridad sa dalawa nilang kababayan na sinabing kinidnap at sinaktan, sa Parañaque City, nitong Sabado ng umaga, 12 Pebrero 2022.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. General Jimili Macaraeg ang tatlong suspek na sina Jiang Jialin, 22 anyos; Wang Lei, 27, HR Officer ; at Wu, Jin Ku, 24 ,tattoo artist.
Inakusahan ng kidnapping with serious illegal detention ang tatlong Chinese nationals.
Sa ulat, nabatid na ikinasa ng mga tauhan ng Pasay City Police sa pangungu1na ni P/Maj. Ryan Salazar ang rescue operation sa EMC Building, Parañaque City na matatagpuan sa Lt. Garcia, Barangay Baclaran, Parañaque City dakong 9:20 am nitong Sabado, 12 Pebrero.
Nailigtas ang biktimang si Genshen Lu, na sinabing dinukot noong nitong 7 Pebrero 2022 sa kanyang condominium.
Kasabay ng pagtulong kay Lu, nasagip din sa kamay ng mga suspek ang dalawa pang biktima ng kidnapping na sina Yinglong Zhao, sinabing dinukot noong 11 Pebrero 2022 sa Pasay City; at Wei Ming Han, noong 9 Pebrero 2022 sa Parañaque City.
Nakompiska sa mga suspek ang limang yunit ng posas.
Batay sa imbestigasyon, nabulgar na bukod sa pagkakait na makalabas, sinasaktan umano ang mga biktima.
Ani Macaraeg, tututukan nila ang paghahanap sa mga suspek na sangkot sa serye ng pagkawala ng Chinese nationals.
Palalakasin ang imbestigasyon sa tumataas na bilang ng kidnapping laban sa Chinese nationals sa southern district, pahayag ng SPD Director. (GINA GARCIA)