Wednesday , December 25 2024

Anyare sa mga sabungerong nawawala?

YANIG
ni Bong Ramos

ANO na nga ba ang nangyari sa mga sabungerong nawawala may tatlong linggo na ang nakalilipas?

Sa unang mga ulat, napag-alaman na anim sabungero mula sa Tondo ang nawawala. Matapos ang kulang isang linggo, sinabi ng CIDG na hindi lang anim kundi 26 sabungero na ang nawawala.

Hanggang sa kasalukuyan, wala pa rin balita sa kinaroroonan nila, hindi mo tuloy malaman kung buhay pa o patay na o naglaho na lamang na parang bula.

Napag-alaman din na ang lahat ay sinundo o dili kaya ay dinukot matapos magsabong sa Manila Arena sa Sta. Ana, Maynila.

Matapos ang insidente ay wala nang naging balita hinggil sa insidenteng pinaniniwalaang sindikatohan sa nasabing sabungan.

Sinabi rin ng ilang saksi na matapos ang dukutan ay ibinalik pa raw sa Manila Arena sa hindi pa malamang dahilan.

Iyon daw ang huling eksena bago tuluyang nawala at hindi na muling nakita ang mga sabungero.

Malaki ang paniniwala ng pamilya at mga kamag-anak nila na patay na ang kanilang mga mahal sa buhay at marahil ay binaon na lang sa isang liblib na lugar.

Ayon naman sa mga awthoridad, malaki raw ang posibilidad na sangkot ang mga sabungero sa game fixing sa larangan ng sabong.

Malamang daw na may kinalaman sila sa paglalaban ng mga manok na tiyope o mga manok na bigla na lamang tatakbo at hindi na nakukuha pang lumaban sa mga manok na katunggali.

Ang iba namang sabungero kung hindi man ganito ang modus ay malaki ang mga utang sa mga sindikato at mga taong nagpapalakad sa nasabing arena.

Mahiwaga at talagang misteryoso ang kinasasangkutan ng mga nawawalang sabungero kung kaya’t hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nakikita.

Maaari rin daw malakas ang koneksiyon ng taong nagpapalakad sa sabungan kung kaya’t hindi na ito masyadong pinag-uukulan ng panahon ng mga awtoridad.

TATLONG HARI ESTE TSERMAN

SA PLAZA MIRANDA,

MALAKAS SA ADMINISTRASYON?

Malakas daw at malapit sa administrasyon na nagpa-palakad sa lungsod ng Maynila ang tatlong tserman na mga hari sa Plaza Miranda.

Ito ang hayagang sinabi ng mga vendor kung kaya’t wala rin daw mangyayari sa mga idinaraing nilang problema hinggil sa araw-araw na ‘tarang’ sinisingil sa kanila.

Naglalaro raw mula P100 hanggang P300 ang sini-singil sa kanila araw-araw na lubha nilang iniinda.

Halos ang ‘tatlong hari’ na lamang ang kanilang pinagtratrabaho sa araw-araw na ginawa ng Diyos.

Ito raw ang madalas nilang pinagtatalunan at kung minsan ay pinagmumulan ng mainit na argumento at gulo.

Sa mga unang ulat, ang tatlong haring tinutukoy nila ay sina Chairman Tez, Chairman Yes, at Chairman Bunny na umano’y kanilang hepe at team leader.

Super-lakas daw kay Yorme lalong-lalo na si Chairman Bunny na nagsasabing walang mangyayari sa kanilang mga hinanaing dahil malapit na malapit daw siya sa una.

Hindi raw sila magtataka kung dedmahin lang ang kanilang idinudulog na mga problema dahil maaari ngang super ang koneksiyon kay Yorme.

Totoo naman kaya ang mga sapantahang ito ng mga vendor? Malalaman natin iyan sa susunod na kabanata.

About Bong Ramos

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …