BINUKSAN nitong Sabado, 29 Enero, ng Las Piñas City government ang rehistrasyon ng Bakunahan sa Kabataan para sa edad 5-11 anyos sa lungsod.
Hinikayat ng lokal na pamahalaan ang mga magulang at guardians na irehistro ang kanilang mga anak sa registration link na
https://bit.ly/e-covid19reg para makatanggap ng libreng bakuna ang nasabing mga kabataan.
Sa pamamagitan ng naturang registration link ay maaaring sagutan at ibigay ang mga hinihinging impormasyon o detalye ng mga iparerehistrong kabataan.
Pagkatapos mairehistro, maghintay ng text message confirmation mula sa Las Piñas local goverment unit (LGU) nakasaad ang oras, araw, at lugar ng bakuna ng bata.
Patuloy na ipinaprayoridad ng lokal na pamahalaan ang kalusugan, kaligtasan, at kapakanan ng bawat Las Piñeros lalo ngayong panahon ng pandemya.
Muling pinaaalalahanan ang mga mamamayan nito na manatiling sumunod sa health at safety protocols upang maiwasan ang pagkahawa sa mga sakit.
Kamakailan inihayag ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr., target ng pamahalaan na mabakunahan ang naturang grupo ng kabataan sa darating na 4 Pebrero.
Tanging ang bakunang Pfizer-BioNTech ang gagamitin para sa pangkat ng naturang edad matapos makatanggap ng emergency use approval mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Nabatid, ang bakunang ito ay magkakaroon ng mas mababang konsentrasyon at dosis kompara sa ginagamit sa pediatric population para sa edad 12 hanggang 17-anyos.
Sa nalalapit na bakunahan sa 4 Pebrero, pangunahing isasalang ang mga batang may comorbidity. (GINA GARCIA)