NAARESTO ang isang 28-anyos graphic artist ng mga operatiba ng Pasay Intelligence Section sa pagbebenta ng CoVid-19 vaccination cards, sa Pasay City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) director, P/BGen. Jimili Macaraeg ang suspek na si Marcelo Cabansag, alyas Marque, ng Pasay City.
Nag-ugat ang pagdakip kay Cabansag sa impormasyong namemeke siya ng CoVid-19 vaccination cards sa pamamagitan ng pag-e-edit, reproduction at imprenta na ibinebenta sa mga ‘di-bakunadong indibiduwal.
Dakong 5:30 pm nitong Martes, 25 Enero 25, nang ikasa ang entrapment operation laban sa suspek.
Pinuntahan si Cabansag Libertad St., Brgy. 94, Zone 11, Pasay City, at nadiskubreng tama ang impormasyon nang may makabili ng pekeng vaxx card.
Nang hanapan ang suspek ng authorization para sa ginagawang vaccination cards, wala siyang maipakita.
Narekober ang ginamit na marked money na P100 bill, anim na pekeng CoVid-19 vaccination cards, isang unit ng Dell Computer monitor, isang Lenovo CPU, keyboard at mouse, power supply, dalawang EPSON printer, isang laminator machine, isang photocopier at printer machine, dalawnag glossy photo paper, dalawang laminating film at 2 paper cutters.
“Ako ay nagpapasalamat sa ating mga kababayan sa inyong walang sawang suporta at pagbibigay ng impormasyon sa inyong (kapulisan), muli ‘wag po kayong magdalawang isip na ipagbigay alam sa amin kung mayroon kayong namataan na hindi kanais-nais at krimen sa inyong lugar, sa ating pagtutulungan tiyak na mapapanatili natin ang katahimikan sa ating nasasakupan,” ani Macaraeg. (GINA GARCIA)