ARESTADO ang isang Korean national, wanted sa kanilang bansa, ng mga pulis sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ng pulisya ang takas na wanted na si Chungho Lee, 37 anyos, ng Azure Residence, Barangay Marcelo Green ng nabanggit na lungsod.
Ayon kay Southern Police District (SPD) director, P/BGen. Jimili Macaraeg, dakong 2:40 am kahapon nang mahuli ang naturang dayuhan ng pinagsanib na puwersa ng Station Investigation and Detective Management Section, Police Sub-Station 8, ng Parañaque Police at ng Armed Forces of the Philippines (AFP ).
Sa bisa ng Interpol Red Notice para sa Criminal Act 347-(1) Fraud na may Arrest Warrant Control No. 2018-4490, inisyu ng Seoul Bukbu District Court, Republic of Korea, may petsang 20 Abril 2018, dinakip ang pugante.
Ang naarestong dayuhan ay dinala sa Bureau of Immigration (BI).
“These international criminals are not allowed to stay here in the Philippines. Many of them are mostly part of an international syndicates that try to establish themselves here in our country but through the continuous coordination with different governments agencies we will make sure that this criminals will be placed behind bars.” ani Macaraeg.
(GINA GARCIA)