KAHIT may umiiral na gun ban, hindi natakot ang 16 katao na nagtutupada kabilang ang isang kagawad ng Philippine Army (PA) na may dalang baril sa Taguig City, kamakalawa ng hapon.
Batay sa ulat na natanggap ni Southern Police District (SPD) director, P/BGen. Jimili Macaraeg, kinilala ang mga nadakip na sina Francisco Serdan, 38 anyos, nakatalaga sa Army Support Command; Roy Moreno, 45; Jed Jomoc, 34; Julian Bogtong, 37; Jovanni Vibal, 43; Elde Tacocong, 55; Jean Vicente, 55; Rodel Intia, 20; Bonifacio Buena, 34; Ryan Platero, 27; Paul Dinela, 33; Reden Garbin, 29; Teotimo Astronomo, 69; Reynald Esancha, 58; at Melencio Abonal, 70.
Dakong 1:30 pm nitong 15 Enero, nang magsagawa ng operasyon sa pangunguna ng hepe ng Taguig Police Intelligence Section, laban sa ilegal na pagsasabong ng mga manok sa President Quirino St., Brgy. South Signal Village, Taguig City.
Arestado ang mga mananaya na nakuhaan ng kabuuang P3,640 cash habang si Serdan ay hinuli sa dala nitong kalibre .45 pistola sa kaniyang sling bag at dalawang magazine na may kargang mga bala.
Nakompiska rin ang mga panabong na manok.
Isinailalim sa inquest proceedings ang 16 na nadakip sa paglabag sa City Ordinance No. 12 Series of 2020; Presidential Decree 1602 o Illegal Gambling.
Habang si Serdan ay may dagdag na kakaharaping paglabag sa Republic Act 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunitions) at paglabag sa Omnibus Election Code, kaugnay ng Comelec gun ban.
“Makikita natin, hindi lamang sa pagsasagawa ng COMELEC checkpoints tayo ay nakahuhuli ng lumalabag sa nationwide gun ban. Kahit sa ibang police operations ay nakahuhuli tayo ng gun ban violators. Ito ay dahil sa ipinatutupad natin sa SPD na intensified anti-criminality operations,” pahayag ni P/BGen. Macaraeg. (GINA GARCIA)