KINOMPIRMA ng Pasay City General Hospital sa pamamagitan ng Pasay Public Information Office (PIO), 44 health workers ng ospital ay pawang naka-isolate dahil nagpositibo sa CoVid-19.
Sa 44 health workers apektado, ilan rito ay pawang nurses at auxiliary personnel na infected ng virus, habang ang ilan ay nakasalamuha ang mga nagpositibo at naghihintay ng kanilang swab test results.
Nasa full capacity na rin ang CoVid-29 confirmed ICU beds, ward beds, ER isolation rooms, at ER anteroom ng PCGH.
Dahil dito, hindi muna tatanggap ang naturang ospital ng severe at critical CoVid-19 patients.
Itinigil rin ang pagtanggap ng ospital maging ng non-CoVid-19 cases dahil sa kakulangan ng manpower habang naka-isolate ang 44 health care workers.
Tanging extreme emergency at life threatening surgical procedures ang maaaring tanggapin ng Pasay City General Hospital.
Ang mga out-patient naman ay gagawin na lamang ang konsultasyon sa pamamagitan ng telemedicine at walang bakunahan sa naturang ospital sa loob ng 10 araw.
Humihingi ng pang-unawa ang PCGH sa publiko at tinitiyak na ang mga kasalukuyang pasyente ng ospital ay tinututukang maigi ng mga mga naiwang personnel na naka-duty. (GINA GARCIA)