SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
PALABAN para sa tambalang Ping Lacson-Tito Sotto sa May 2022 elections ang Olympian at Taekwondo master na si Monsour del Rosario.
Kasama si Monsour sa pag-iikot at online kumustahan ng Lacson-Sotto tandem sa iba’t ibang bahagi ng bansa para magsagawa ng konsultasyon at alamin ang pulso ng bayan sa napakaraming problema ng bansa.
Isa si Monsour sa mga senatorial candidate ng Partido Reporma. At hindi basta-basta ang background ng dati ring action star na kilala sa kanyang role na ”Buhawi Jack.”
Bukod doon, naging konsehal, vice mayor, at kongresista rin siya ng Makati. Kaya naman hinog na hinog ‘ika nga si Monsour sa maraming karanasan sa public service kaya swak na swak siya sa senatorial slate ng Lacson-Sotto team.
Pero kapag nagtatalumpati siya sa mga tao, ipinaliliwanag niya kung bakit dapat na suportahan at piliin ang Lacson-Sotto tandem bilang susunod na pangulo at bise presidente ng bansa.
Ani Monsour, sina Lacson at Sotto ang may pinakamalawak na karanasan sa public service sa lahat ng mga kandidato sa pagka-pangulo at bise presidente. Kaya naman sure na sure si Monsour na mahahanapan ng Lacson-Sotto tandem ng solusyon ang napakaraming problema ngayon ng bansa.
Babala ni Monsour, kapag nagkamali ang mga tao sa pagpili ng susunod na lider ng bansa, ”Patay tayo nito sa susunod na six years. Lunod na lunod ang Pilipinas [sa dami ng problema].”
Kaya payo niya sa mga tao, mag-isip nang mabuti at sabihin sa mga kaibigan, miyembro ng pamilya at mga kakilala… Lacson-Sotto na!