MULING ipatutupad ngayong araw ng Miyerkoles, 1 Disyembre 2021, ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme tuwing rush hour sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila.
Ipatutupad ito mula Lunes hanggang Biyernes, 5:00 pm hanggang 8:00 pm, hindi kasama ang holidays.
Matapos itong aprobahan ng Metro Manila Council (MMC), ang policy making body ng MMDA na kinabibilangan ng mga alkalde at ang naturang hakbangin ay maiwasan ang matinding trapik sa Metro Manila.
Sabi ni MMDA Chairman Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., sakop ng naturang traffic scheme ang mga pribadong behikulo.
Mga behikulong ang plate number na huling digit ay numero 1 at 2 ay bawal lumabas ng Lunes, ang 3 at 4 ay bawal ng Martes, 5 at 6 ay bawal ng Miyerkoles, 7 at 8 ay bawal ng Huwebes, samantala ang 9 at 0 ay bawal naman ng Biyernes.
Exempted sa naturang traffic scheme ang mga public utility vehicles kabilang ang tricycle, transport network vehicle services (TNVS), motorcycles, garbage trucks, fuel trucks, behikulong nagdadala ng mga essential at perishable goods.
Sinabi ni Neomie Recio, MMDA Traffic Discipline Office director, nasa 2,700 behikulo ang mababawas kada oras sa EDSA sa pagpapatupad ng UVVRP.
Samantala, ayon kay Abalos, muling ipatutupad ang light trucks ban sa EDSA.
Base sa UVVRP motor vehicles plates ending, ang mga light truck ay bawal bumagtas sa EDSA pagitan ng Magallanes, Makati City at North Avenue, Quezon City, parehong northbound at southbound, mula 5:00 am hanggang 9:00 pm simula Lunes hanggang Biyernes, hindi kasama ang holidays. (GINA GARCIA)