SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
SA tinagal-tagal ng pagiging direktor ni Cathy Garcia Molina, ngayon lang pala siya nagkaroon ng entry at ito ay sa 47th Metro Manila Film Festival, ang Love at First Stream na pinagbibidahan nina Daniela Stranner, Kaori Oinuma, at Anthony Jennings.
Hindi naman ikinaila ni Direk Cathy na gusto niya ring magkaroong ng entry sa MMFF. Aniya, hindi naisasali ang kanyang mga pelikula sa festival.
“Medyo matagal na akong naglalambing na parang gusto ko bago ako mag-retire na maka-MMFF ako. Hindi natitiyempo ang schedule kaya excited ako,” natutuwang pahayag nito sa launching ng walong entries ng Metro Manila Film Festival 2021 na ginanap sa Novotel kamakailan.
Hindi rin itinago ni Direk Cathy ang excitement nang mapasama sa walong entries ang kanyang pelikula. Ang iba pang nakapasok sa MMFF 2021 ay ang mga pelikulang A Hard Day (Dingdong Dantes, John Arcilla); Big Night! (Christian Bables); Whether the Weather is Fine(Kun Maupay Man It Panahon) (Daniel Padilla, Charo Santos-Concio, at Ran Rifol); Nelia (Winwyn Marquez and Raymond Bagatsing); Huwag Kang Lalabas (Jameson Blake, Joaquin Domagoso, Beauty Gonzales, Aiko Melendez, at Kim Chiu); The Exorsis (Toni Gonzaga and Alex Gonzaga); Huling Ulan sa Tag-Araw (Rita Daniela and Ken Chan).
At dahil pandemic natanong ang magaling na direktor ukol sa kaibahan ng paggawa ng pelikula ngayon sa rati. Inamin nitong marami silang challenges na nasagupa habang ginagawa ang pelikula.
“Kasi pandemya, you have to make everyone safe, eh, hirap na hirap ako ng may mask kasi alam mo naman na kapag nagdidirehe ako kita bibig ko.
“Sanay akong sinasabi ko sa kanila kung ano ang gagawin so, nagtatanggal ako ng mask kapag kailangan para mai-explain kong mabuti sa artista ang gagawin nila.
“Tapos may ulan pa, nagkaroon ng changes sa cast at mayroong mga nag-positive (COVID 19). Buti na lang ‘yung mga nagpa-positive false positive kaya hindi tumuloy-tuloy.
Sa kabilang banda, 19 pelikula ang naisumite sa MMFF mula sa iba’t ibang film companies na si Boots Anson-Roa Rodrigo ang pinuno ng selection committee na ang mga criteria sa pagpili ay Artistic Excellence — 40%, Commercial Appeal — 40%, Filipino Cultural Sensibility — 10%, and Global Appeal — 10%.
Sinabi naman ni MMDA at MMFF Chair Benhur Abalos Jr na ine-encourage nila ang publiko na magbalik sa panonood ng sine lalo ngayong MMFF 2021.
“It has been our desire for our theater partners to bounce back to business once again, and we are helping them build the confidence in the movie audiences and encourage them to go back to watching films where they should be enjoyed to the fullest – the cinemas. Thus, this year’s MMFF will be back in the cinemas where they initially and rightfully belong.”
Positibo si Abalos Jr. na magiging matagumpay ang MMFF lalo’t karamihan sa mga lugar ay nasa ilalim na ng Alert Level 2 ng Covid-19 pandemic.
“We are here after two years of hibernation. It’s about time na dapat lang na masuklian ang mga taong nag-invest for this — ang industriyang Filipino. Mga producer, na tumaya. Who could say na magbubukas ngayon? No one can tell you that. All of us here right now, ‘yung mga entry, tumaya nang husto sa mga pelikula. ‘Yung mga artista talagang gumanap ng husto without knowing na matutuloy ang pelikula. That is why in behalf of MMDA, ibabalik namin ang suporta sa inyo,” sambit pa ni Abalos.