DINAKIP ng Senate security personnel ang magkapatid na Mohit at Twinkle Dargani, mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation kahapon sa Davao City International.
Ayon kay Senate Sergeant-At-Arms Rene Samonte, nakatakdang sumakay sa chartered flight patungong Kuala Lumpur, Malaysia ang magkapatid na Dargani nang harangin ng Senate security team sa naturang paliparan.
Nakadetine sa kasalukuyan ang magkapatid na Dargani sa gusali ng Senado sa Pasay City.
Matatandaan, ipinag-utos ng mga senador na dakpin ang mga Dargani dahil sa pagtangging isumite ang financial documents ng Pharmally kaugnay sa P8.68-bilyong medical supplies contract na nakorner ng kompanya sa administrasyong Duterte na iniimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee.
Habang si dating Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) chief Lloyd Christopher Lao ay pinaghahanap pa rin ng Senate security bunsod ng arrest order na inilabas laban sa kanya ng Senado dahil sa hindi pagsipot sa mga pagdinig ng komite.
Bukod sa iregularidad sa medical supplies contract, nabunyag din sa pagdinig sa Senado na hindi nagbabayad ng tamang buwis ang mga opisyal ng Pharmally, si Lao, at ang dating presidential economic adviser na si Michael Yang, na nagpondo umano sa Pharmally para matupad ang kontrata sa gobyerno.
Nasa kustodiya pa rin ng Senado si Linconn Ong na dinakip din ng Senate security personnel noong nakaraang buwan. (ROSE NOVENARIO)