FACT SHEET
ni Reggee Bonoan
SA The Healing Finale Media conference ng Huwag Kang Mangamba ay natanong si Sylvia Sanchez tungkol sa pagtakbo ng anak niyang si Arjo Atayde bilang representative ng 1st District ng Quezon City.
Hindi pabor ang aktres dito dahil alam niyang magulo ang politika, pero dahil sa magandang katwiran ng anak kaya pumayag na rin siya.
“Kabado ako siyempre riyan kasi anak ko ‘yun at alam nating magulo ang politika. Pero wala akong magawa, eh, gusto ng anak ko, so, nirerespeto ko ‘yung gusto niya. Actually, kung ako ang tatanungin, ayoko! Alam ng anak ko ‘yun at alam ni Enchong (Dee) ‘yun,” diin ni Sylvia.
Dadag pa, ”Nag-uusap kami ni Enchong diyan na ayaw ko pero gaya nga ng sabi ko anak ko ‘yan kaya wala akong magawa kundi suportahan ang anak ko. Iga-guide ko na lang ng mabuti ang anak ko para hindi naman maligaw.
“’Pag pinalad, pinagkatiwalaan ng mga tao (at) nakapuwesto, iga-guide naming mag-asawa para hindi masusulsulan, hindi maliligaw at iyon ang ipinapangako naming mag-asawa. Suporta 1000%.”
Sa tanong kung isa sa plataporma ni Arjo ay ang ABS-CBN franchise renewal, ”Yes, isa ‘yan! Actually, tinanong ko si Arjo high school palang siya nagsasabi na siya na ‘gusto kong manungkulan, mommy, gusto kong tumulong.’
“Sabi ko, ‘makatutulong ka naman kahit wala ka sa puwesto, sagot niya, ‘mas makatutulong ako mommy ‘pag nasa puwesto ako.’ ‘Yun ang totoo. Tapos tahimik na siya okay na siya sa ganoon.
“Hanggang sa nagsara ang ABS ‘yun talaga ‘yung pinaka-nalungkot siya, nagalit siya sa (nangyari) sa lahat ng Kapamilya, sa mga kaibigan sa loob, sa mga pamilya na natanggalan ng trabaho tapos pandemic pa.
“’Yun talaga ‘yung isa sa pinaka-rason din niya. Magandang rason din kasi sabi niya, ‘Ma, ang daming naghihirap, ang daming kawawang Kapamilya gusto ko lang silang tulungan. Alam mo ‘yung ganoon.
“Normal na may maghihirap talaga pero sana walang maghirap sa gitna ng pandemya, sa gitna ng COVID na nakikita niya lahat kaya pursigido siya na tumakbo. Yes because of ABS (CBN) kaya tatakbo si Arjo, isa ‘yan sa reason,” mahabang pahayag ng aktres.
Samantala, tatlong linggo na lang ang Huwag Kang Mangamba at tapos na silang mag-taping kaya sobrang nami-miss na ng lahat ng cast ang bawat isa
Pero nape-pressure si Sylvia dahil nominado siya bilang Best Actress sa national bilang representante sa pagka-Best Actress in Supporting role sa karakter niyang Barang sa nalalapit na The Asian Academy Creative Awards na gaganapin sa Singapore sa Disyembre 2 and 3 at kasama rin si Nonie Buencamino sa Best Actor in a Supporting rin para sa seryeng Huwag Kang Mangamba.
Aniya, ”Sobrang wow after ng lahat ng hirap ko kay Barang sulit lahat ng pagod at pasalamat ako kasi lahat ng co-actors ko rito magagaling din kaya nakakapag-react ako ng ganoon. Honestly hindi ko inaasahan ‘yun.
“Napi-pressure ako sa Asian Academy kasi mayroong mga nagsasabi sa akin kasi last year na nanalo si Arjo (Best Actor for ‘Bagman’). First Filipino actor na nanalo riyan, so sabi sa akin, ‘this time, ikaw na nanay lalaban sana makuha mo.’
“Sabi ko, sana makuha ‘di ba, sino ba namang may ayaw. So, ‘yun ang kaba ko, paano kung hindi ko nakuha? Kasi may expectation na ganoon kasi last year dyunakis, ngayon nanay. Na-stress ako, pero magandang stress ‘yun,” masayang sabi ni Ibyang.
Sabi nga, ‘Huwag Mangamba’ dahil kung para sa iyo ang award ibibgay ito ni Bro.
Anyway, abangan ang nalalapit na pagtatapos ng drama series na ito sa Kapamilya online, A2Z, TV5 at local cable channels mula sa Dreamscape Entertainment na idinirehe nina Darnel Joy Villaflor at Manny Palo.