Sunday , November 17 2024
politician candidate

Substitution rule ng kandidato isinusulong sa Senado

INIHAIN ni  Senador Win Gatchalian ang panukalang batas  na nagbabawal sa pagpapalit ng kandidatong nagdesisyong umatras sa pagtakbo sa halalan.

Sa pangunguna ni Gatchalian, tumatayong kapwa may-akda sina Senate Majority Leader Migz Zubiri, Sen. Nancy Binay, Sen. Grace Poe, at Sen. Joel Villanueva.

Pinapayagan ng Omnibus Election Code, sa ilalim ng Section 77 nito, ang pagpapalit ng opisyal na kandidato ng isang rehistrado o kinikilalang political party sakaling siya ay mamatay, ma-disqualify o umatras sa halalan.

Ngunit, ayon kay Gatchalian, madalas na sinasamantala ang withdrawal o pagbawi ng certificate of candidacy (COC) para makapagpalit ng kandidato at ito’y paglapastangan sa pagiging seryoso sa proseso ng paghahain ng kandidatura.

Sa inihaing panukalang amyenda sa Omnibus Election Code, ipinanukala ni Gatchalian na maaring bawiin ng isang kandidato ang kanyang COC kung siya ay maging incapacitated o wala nang kakayahang tumakbo o manungkulan.

“Sagrado ang balota. Kaya dapat lamang na pahalagahan natin ang paghahain ng kandidatura tuwing eleksiyon. Isang pribilehiyo ang makapagsilbi sa bayan kaya dapat lamang na ang personalidad na unang napili ng partido ay buo na ang loob na tumakbo,” sabi ni Gatchalian.

“Maliwanag ang intensiyon ng batas. Ito ay gawing mas maayos ang ating halalan at maging transparent. Naaabuso lang ng iba. Kapag nag-file ka, ‘yun na, hindi na dapat palitan. Papalitan ka lang kung ikaw ay namatay o kung ikaw ay na-disqualify,” dagdag niya.

Paliwanag ni Gatchalian, layon ng batas na mapalakas at mapatatag ang political party system at maging mas patas ang pagsasagawa ng eleksiyon sa bansa kung kaya’t nagkaroon ng limitasyon sa probisyon sa pagpapalit ng mga kumakandidato sa halalan.

Bago pa man ang opisyal na paghahain ng COCs, sinabi ni Gatchalian, karaniwan nang sinusuri muna ng mga partido ang kanilang mga miyembro batay sa kakayahan at kalipikasyon pati na rin ang kagustuhan, sinseridad at kapasyahan nito na kumakatawan sa lalahukang posisyon at saka sila magdedesisyon sa nominasyon sa pagiging standard bearers, lokal man o nasyonal na posisyon.

At dahil tuwing tatlong taon ang pagsasagawa ng halalan para sa mga lokal na posisyon at anim na taon naman para sa national positions, ipinunto ni Gatchalian na may sapat na panahon ang mga partido para isagawa ang proseso ng pagsusuri at pamimili ng kanilang mga nominado at opisyal na kakatawan sa halalan.

Sa inilabas na panuntunan ng Commission on Elections (Comelec) para sa halalan sa susunod na taon, ang sinumang magiging substitute o kapalit sa opisyal na kandidato ng duly-registered political party o koalisyon na namatay, umatras sa pagtakbo, o diskalipikado ay maaaring magsumite ng COC hanggang 15 Nobyembre 2021.

Matapos ang palugit na ito, hindi na papayagan ang pagpapalit ng kandidatong umatras o nag-withdraw ng kandidatura.

Nakasaad rin sa nasabing resolusyon ng Comelec na maaaring maghain ng COC para palitan ang kandidatong namatay o diskalipikado matapos ang pinal na hatol hanggang tanghali ng araw ng halalan, 9 May 2022. Papayagan lamang ito kung magpareho ang apelyido ng papalitan at papalit na kandidato. (NIÑO ACLAN)

About Niño Aclan

Check Also

Bong Suntay Bday

‘Birthday pasasalamat’ ni Cong. Bong Suntay dinagsa

TINATAYANG aabot sa 8,000 suporters, mga miyembro ng kanyang pamilya at kaibigan, gayundin mula sa …

2 dating kaalyadong politiko ni Mayor Vico Sotto bumaliktad

DESMAYADO na ang dalawang dating mga kaalyadong politiko ni Pasig City Mayor Vico Sotto at …

Bamboo Kawayan

Pamangkin hinamon ng duwelo , Tiyuhin patay sa palo ng kawayan

BINAWIAN ng buhay ang isang 55-anyos na lalaki matapos ilang ulit paluin sa ulo ng …

DOST Teams Up with Wadhwani Foundation to Accelerate Filipino Innovation

DOST Teams Up with Wadhwani Foundation to Accelerate Filipino Innovation

THE Department of Science and Technology (DOST) and the Wadhwani Operating Foundation have signed a …

Artist Lounge Talents MultiMedia Inc

Artist Lounge Talents MultiMedia Inc. inilunsad

MATAGUMPAY ang grand launching ng Artist Lounge Talents MultiMedia Inc., na ginanap last November 10 sa Activity …