BULABUGIN
ni Jerry Yap
HINDI patok sa masa ang TV ads ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na pagtatampok sa kanyang mga pinag-aralan (edukasyon).
Masyado nga naman itong “I specialist” o ‘yung sabi nga ‘e pagbubuhat ng sariling bangko, gayong tanggap siya ng mga tao, kahit ano pa ang naabot niyang edukasyon dahil nagpakita siya ng pruweba bilang mahusay na ama ng lungsod.
Sa ganang atin, mas dapat itampok ang mga programa at proyektong naisagawa sa ilalim ng kanyang administrasyon na nagbigay ng batayang serbisyo sa mamamayan.
Gaya ng pabahay, karagdagang health facilities, drive-thru swab test sa panahon na humihiling ng mass testing ang mamamayang Filipino, at drive-thru bakuna hindi lang sa mga taga-Maynila kundi sa iba pang mamamayan na nagagawi sa Maynila.
Nagawa ni Yorme Isko lahat ‘yan sa kabila ng umiiral na pandemyang dulot ng CoVid-19.
Bukod pa ‘yan sa buwanang food pack na ibinabagsak sa mga barangay upang ipamahagi sa mga nangangailangan, lalo na ‘yung mga nawalan ng trabaho.
Kasabay niyan ang patuloy na pagsasaayos sa pisikal na anyo ng lungsod kaugnay ng kalinisan at pagtatampok sa mga makasaysayang pook sa Maynila.
Sabi ng iba, pang-Maynila lang si Mayor Isko, hindi niya kayang gawin ‘yan sa buong Filipinas.
‘E ‘yun nga po ang showcase, kabiserang lungsod ng Filipinas.
Nagawa nga sa Maynila ‘e, bakit hindi sa buong Filipinas gayong may makakatuwang naman siyang local government units (LGUs)??
‘Yun siguro ang dapat i-highlight ng mga propagandista ni Yorme. Ang kanyang serbisyo at mga nagawa para sa Batang Maynila. Lalo ang kanyang CoVid-19 response.
Gaano ba kabilis bago naitayo ang Manila CoVid-19 facilities sa Luneta? Kaya pagbugso noong Agosto, agad nagamit ng mga tinamaan ng CoVid-19. Nang mangailangan ng medical oxygen ang maraming mamamayan, kasado na rin agad si Yorme, ang bilis!
‘Yun nga ‘e, ang bilis umaksiyon ‘di ba? E bakit hindi iyon ang i-higlight sa TVC?!
Sana naman ay makarating ang opinyon nating it okay Yorme. Sulong Mayor Isko! Sulong para presidente!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com