FACT SHEET
ni Reggee Bonoan
NAPAGKAMALAN si Jake Cuenca na sangkot sa drug operation sa isinagawang buy-bust operation sa Mandaluyong nitong Sabado ng gabi kaya siya hinabol at pinagbabaril ang gulong ng sasakyan niya para huminto.
Ang kuwento ng taong malapit sa aktor, ”Galing si Jake sa kaibigan niyang si Paolo Avelino, nagkatsikahan, bonding kasi Sabado naman.
“Tapos noong pauwi na si Jake, may nadaanan siyang maraming sasakyang nakahinto tapos pinapara siya, hindi niya kilala kasi mga naka-sibilyan kaya hindi siya huminto, pinatakbo niya ng mabilis ang sasakyan niya kaya nasagi niya ‘yung isang sasakyang nakaparada roon sa kalsada.
“Roon na siya hinabol, ayaw niya huminto kaya pinagbabaril ‘yung gulong ng sasakyan niya tapos noong may nakita siyang mga naka unipormeng pulis na pinara siya at saka lang siya huminto. Noong huminto siya, pinababa siya, tsinek ‘yung sasakyan niya, walang nakita.”
At doon lang nalaman ni Jake na may isinagawang buy-bust operation sa nasabing lugar. At dahil tinted ang Wrangler Jeep ng aktor kaya inakalang kasama siya sa minamanmanan.
Itinanggi rin ng aktor na may dala siyang baril, ”sabi ni Jake, ‘wala po akong baril, gun ban ngayon ‘di ba?’”
At nang makarating na sila sa Mandaluyong Police Station ay doon lang din nalaman ni Jake na may nabaril na Grab driver na kaagad dinala ng mga pulis sa Rizal Medical Center.
Kaya mariing itinanggi ng aktor na siya ang dahilan kung bakit nabaril ang driver. ”Kasi siya nga rin pinagbabaril,” sabi pa ng kausap namin.
Pagdating sa presinto ay tinawagan ng aktor ang tatay niya na kaagad namang dumating at nagsabing kung may kasalanan ang anak niya ay siya mismo ang magpapakulong.
Hindi rin totoong sinampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Damage to Property ang aktor.
Tinanong namin kung saan nanggaling si Jake at napadpad sa nasabing lugar.
“Galing kasi siya kay Paolo Avelino, bonding-bonding magkaibigan kasi ‘yun, so noong pauwi na, hayun nakita niya maraming tao.
“Si Jake lang ang nagmamaneho kasi wala ‘yung driver niya, eh, nataranta kaya hindi huminto at saka malay ba niyang mga pulis, eh, hindi naman naka-uniporme. Kaya habang nagpapatakbo siya tumitingin siya ng pulis, sakto may pumara kaya siya huminto kasi mga naka-uniporme nga,” kuwento pa ng aming kausap.
Itinanggi rin ang lumabas na balitang naghabulan sila na umabot sa Pasig City.
“Sabi ni Jake hindi totoo ‘yung habulan kasi maliit lang distansiya, kita mo nga along Shaw boulevard din,” sabi pa sa amin.
Ayon sa report ng ABS-CBN News, nagsimula ang habulan sa Mandaluyong at na-corner siya sa West Capitol Road sa Barangay Kapitolyo sa Pasig.
Kumusta na si Jake? ”Okay na now, natakot talaga siya imagine pagbabarilin ka na lang ng mga hindi mo kilala kasi hindi naman sila naka-uniform buti na lang hindi siya tinamaan ng bala. Actually, na-trauma siya.”
Dumating si Paolo sa police station na gulat na gulat sa nangyari at ang family friend ng mga Cuenca na si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos, Sr..
Samantala, nabanggit pa ng aming kausap, ”nakakulong na ngayon ang mga pulis na bumaril sa gulong ni Jake.”
Pero hindi dahil nagsampa si Jake ng kaso laban sa mga pulis na bumaril sa kanya kundi dahil sa nabaril nilang Grab driver.
Sa kasalukuyan ay nasa bahay na ngayon ang aktor at nagpapahinga .