SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
ISA si Presidentiable aspirant Ping Lacson sa maraming pelikulang nagawa ukol sa kanya. At dahil tatakbo siyang pangulo sa May 2022 elections, marami ang naghahanap sa Youtube ng pelikula ukol sa kanya. Dalawa ang tungkol sa buhay niya bilang pulis, ang Ping Lacson: Super Cop at Task Force Habagat at ang isa ay noongsenador siya, ang 10,000 Hours.
Kaya hindi nakapagtataka kung marami ang testimonials tungkol sa pagiging mahusay na pulis ni Ping na nagpabalik noon sa tiwala ng mga tao sa PNP nang maging Chief PNP siya. Iisa rin ang sinasabi ng mga kidnap victim na sinagip ni Ping at ng grupo niya, hindi niya tinatanggap ang iniaalok na pera ng pamilyang sinagip niya bilang pasasalamat. Ang katwiran ng senador, ginagawa lang nila ang trabaho nila. Ito rin kaya ang rason niya kung bakit hindi siya siya tumatanggap ng pork barrel funds nang maging senador?
Kabilang sa mga nagpatotoo niyan ay sina Ruiz Saez-Co at Robina Gokongwei, na kidnap victims at si Kathryn Bellosillo, nanay ng mga batang nakidnap din. Na-interview pa nga si Kathryn sa podcast ni Matteo Guidicelli na Mattruns.
Parang eksena naman sa pelikula nang ikuwento ni Robina kung paano siya sinagip ni Ping at ng grupo nito. Bigla raw pumasok sa kuwarto si Ping na nakaputing kasuotan kaya tinawag niya itong, White Knight.
Sabi naman ni Teresita Ang See, anti-crime NGO, namayagpag noon ang kidnapping dahil walang tiwala ang pamilya ng mga biktima sa pulisya. Pero nag-iba na ang istorya nang si Ping na ang nakapuwesto.
Kaya kung mananalong pangulo si Ping at matatakot ang mga kriminal at adik, at mawawala ang korapsyon, tiyak bobongga ang negosyo na kailangang-kailangan natin ngayon. Malay natin, baka may pang-apat na movie pa tungkol sa kanya.