SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
SERYOSO si Ogie Diaz kapag ang usapin ay ukol sa ating bansa kaya naman kahit komedyante, sineseryoso siya ng netizens kapag nagpapahayag ng saloobin.
Tulad nang magpahayag siya ng pagka-gusto kay Senador Ping Lacson sa pagtakbo nito sa pampanguluhan, marami ang humanga nang banggitin niya sa isa niyang vlog.
Bukod sa pagiging talent manager, umaariba rin si Papa Ogs bilang vlogger o content creator. Mayroon siyang mga Youtube channels na ang isa ay for interview ng mga personalidad at ang isa ay showbiz roundup naman.
Winner sa dami ng subscribers ang dalawang channel niya. Bukod pa ang kanyang mga social media account, kabilang ang Twitter na mas vocal itong nagpapahayag ng kanyang political views.
Sa isang vlog ni Ogie tungkol sa showbiz, natalakay niya ang pagdepensa ni Iwa Moto sa biyenan nitong si Sen. Ping, na tatakbong presidente sa 2022 elections na katambal si Senate President Tito Sotto.
Ani Ogie, natural na ipagtanggol ni Iwa si Ping dahil biyenan at kilala niya ito. At nang basahin ni Ogie ang sinabi ni Iwa na hindi magnanakaw ang senador, aba’y umayon si Ogie.
Sambit ni Ogie sa kasama niya sa vlog: ”Totoo ‘to, hindi siya [Ping] magnanakaw. Kasi alam mo bang hindi tumatanggap si Senador Ping ng pork barrel bilang senador…Magkano rin ‘yon, mga P200-M isang taon.”
Dagdag pa ni Ogie, ”Kahit naman ako, gusto ko rin ‘yung integridad ni Senator Ping. Kaya nga naloloka ako kung bakit ‘di niya tinatanggap ‘yung pork barrel.”
Ang pork barrel o priority assistance development fund ay pondo para sa mga kongresista at senador. Pero sapul nang maging mambabatas, hindi tinanggap ni Ping ang kanyang pork barrel funds dahil pinag-uugatan ito ng katiwalian.