BUKOD sa kuwestiyonableng pagkuha ng mga empleyado sa ilalim ng contractual system, binubusisi ngayon ng senado kung anong kapangyarihan ang pinagbatayan ni Presidential Communication Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar sa paglikha ng isang tanggapn na tinawag niyang ‘Social Media Office.’
Ayon kay Senate Minority Franklin Drilon, maituturing na walang legal na basehan at walang kapangyarihan si PCOO Secretary Andanar na lumikha ng isang tanggapan.
Batay sa rekord, nilikha ang ‘Social Media Office’ noong 2017 sa pamamagitan ng Department Order No. 13 na nilagdaan ni Andanar.
Inilinaw ni Drilon, bago lumikha ng isang tanggapan at departamento, kailangan magpasa ng batas ang dalawang kapulungan ng Kongreso o kaya ay sa pamamagitan ng isang Executive Order na nilagdaan ng pangulo ng bansa.
Ani Drilon, ang paglikha ng isang tanggapan ay maituturing na pagkakaroon ng bagong posisyon at pananalapi para isuweldo sa mga empleyado at sa operasyon ng nasabing tanggapan.
Hinihingian ni Drilon ng paliwag ang pamunuan ng PCOO ukol dito at kung saan nila ibinatay ang paglikha ng tanggapan.
Giit ni Drilon, maliwanag na hindi pinapayagan ng batas ang isang kalihim para lumikha ng isang tanggapan.
Samantala, hindi nakaiwas ang buong pamunuan ng PCOO sa kastigo ni Senador Richard Gordon dahil sa ginawangn pagbatikos sa senado at sa mga senador ukol sa isinasagawang imbestigasyon.
Tumanggi si Gordon na pangalanan kung sino ang kaniyang tinutukoy bagkus ay sinabing, “ngayong nangangailangang humingi ng budget ay sobrang bait at napakatahimik.” (NIÑO ACLAN)