FACT SHEET
ni Reggee Bonoan
PAGKATAPOS ianunsiyo ni Sen. Manny Pacquiao ang kandidatura niya sa pagka-presidente ng Pilipinas sa ginanap na PDP Laban National Assembly nitong Linggo ng hapon ay in-upload naman ang panayam niya sa Toni Talks YouTube channel ni Toni Gonzaga-Soriano.
Sa tsikahan nina Manny at Toni ay nabanggit ng una na noong nasa Amerika siya ay nakagawa siya ng 22 rounds priority agenda sa pagka-pangulo at nauuna sa listahan niya kung paano malilinis ang korupsiyon sa bansa.
At ‘pag wala ng korupsiyon ay matutupad ang pangarap niyang mabigyan ng free housing ang mahihirap at bibigyan sila ng livelihood o pangkabuhayan.
Nagawa na ito ni Pacman sa kanyang mga kababayan sa General Santos City at Sarangani na ayon sa kanya ay mahigit sa 1,000 pamilya ang nakikinabang nito ngayon.
Tanong ni Toni, “Puwede n’yo naman gawin ang lahat ng ‘yan, tumulong kayo bigyan n’yo ng livelihood ‘yung ating mga kababayan ng wala kayong posisyon sa government. Ano po ‘yung importance ng posisyon sa inyo sa government?”
Sagot kaagad ni Sen. Manny, “Tama ‘yan. Marami na akong nabigyang pamilya, mga livelihood, napa-graduate na mga estudyante mula pa noong 2004-2005 may mga napa-graduate na ako na hanggang ngayon.
“Kaya lang limited lang ‘yung (resources), siyempre ‘yung hard earned money ko hindi naman ganoon kalaki, ‘di ba? Biruin mo ‘yung libong pamilyang nabigyan ko ng house and lot, ako mismo nagso-sorpresa sa pagbisita sa kanila. ‘Yung mga nakatira sa ilog, kukunin ko ang mga pangalan nila tapos dadalhin ko sa Pacman village ko natutuwa sila sa GenSan (General Santos) at Sarangani,” pahayag ni Manny.
Balik-tanong ng TV host/vlogger, “’Yan po ang nagawa n’yo sa GenSan na ang dream n’yo ay magawa sa buong Pilipinas?”
“Kayang-kaya, sobra-sobra pa. In-estimate ko nga eh, in three to four years mabigyan ko lahat, pero sinabi ko four to five years para hindi ako maging sinungaling.
“Ako kasi roon ako sa tama. Ayokong maging trapo politician na, ah, kasi kakampi ko ‘to na pagtakpan ko kahit maraming corruption? Sasabihin ko, ‘walang corruption, hindi ako ganoon, eh.
“Kakampi tayo, magkasama tayo, support ako sa mga programa mo pero pagdating sa masama, pasensiyahan tayo,” paliwanag ng Pambansang Kamao.
At ipinagdiinan ulit ni Manny, “Kaya magdasal na riyan ‘yung mga kawatan sa gobyerno, magdasal na huwag akong manalo kasi hindi ako nagbibiro, tototohanin ko talaga (ipakukulong ko).
“Nagtataka ako bakit nagagalit sa akin ang Pangulo (Rodrigo Duterte) na in-expose ko ang corruption sa bansa natin. Gusto ko nga makatulong, eh na ma-expose. Talamak ang corruption sa bansa natin, mali ba ako?”
Samantala, isa sa mga tanong din ni Toni na mukhang may problema si Sen. Manny sa mga miyembro ng LGBTQ dahil nakapagsalita siya noon ng hindi maganda, bagay na itinanggi nito.
Marami siyang pahayag noon na pinutol-putol at pinagdugtong-dugtong na namali ang ibig sabihin.
Aniya, “May mga pamangkin ako na members ng LGBTQ, mga worker, mga kasama sa bahay. Who am I to judge a person? Mahaba kasi ‘yung statement na ‘yun. Lahat tayo kawangis ng Panginoon. Hindi ko sila kino-condemn. Maganda nga katrabaho sila.
“Masisipag at masaya. Who am I to judge a person? Mahaba kasi ‘yung statement na ‘yun, naiba na ang meaning noong na-edit.”
At dito na inamin ni Pacman na tapos na ang boxing career niya sa pagkandidato niya bilang presidente.
“Tapos na kasi matagal na rin ako sa pagboboksing at ‘yung pamilya ko laging nagsasabi, ‘tama na.’
“Nagtuloy-tuloy lang ako kasi passionate ako rito sa sport na ‘to. Magsu-support na lang ako ng mga boksingero para magkaroon tayo (Pilipinas) ng champion ulit,” pagtatapos ng Pambansang Kamao.