BULABUGIN
ni Jerry Yap
HINDI pa man opisyal na nakapaghahain ng kanilang mga certificate of candidacy (COC) ang mga politikong ang ‘hanapbuhay’ ay sumungkit ng puwesto sa gobyerno, hayan at kanya-kanya na silang pabidahan sa kanilang mga commercial ads sa telebsiyon, radio, at sa social media.
Hindi pa man umaarangakada ang kampanya, halatang-halata na agad kung sino ang mga paldong politiko.
Una nating napanood ang TVC ng kalihim ng mga pagawaing bayan na si Mark Villar, sumunod si Senador Panfilo “Ping” Lacson na opisyal nang naghayag ng kanyang kandidatura bilang presidente, tandem si Senator Tito Sotto, at si dating vice president Jejomar “Jojo” Binay, na hindi pa naghahayag kung ano ang susungkiting posisyon.
Ang tatlong nabanggit ang sinasabi nating paldong-paldo dahil maaga pa’y nag-TV ads na.
Pero mas matindi ‘yung Mark Villar, dahil may ads pa sa YouTube. Big time!
Bakit naman hindi, e mukhang ambisyon ni Mark an maging No. 1 sa senado… at hindi malayong pangarap din na maging Senate president gaya ng kanyang erpat.
”Binay there, done that” naman ang tirada ng tatay ni Senador Nancy.
Sa tema ng kanyang TV ads ay talagang ipinalilimot sa madla ang kontorbersiyal na ‘overpriced’ parking sa Makati, at ang kanyang tila enchanted kingdom na propriedad sa Batangas. Mukhang lulusot pa si Naybi!
At si Senatong Ping — ang kanyang Mr. Clean image ay muling lumulutang sa kanyang TVC.
Lahat ‘yan ay paid advertisement, mula kaya sa bulsa ng mga paldong politiko o sa bulsa ng kanilang mga patron na kapag sila’y nanalo tiyak na may puwesto?!
Tsk tsk tsk…
Eleksiyon na naman!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com