ISANG buwan makaraang italagang pinuno ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) si Lloyd Christopher Lao, hiniling niya sa Civil Service Commission (CSC) na iklasipika bilang confidential employees ang ilang tauhan niya.
Inihayag ni Sen. Panfilo Lacson, lumiham si Lao sa CSC para sa “reclassification of employees as confidential employees” ngunit tinanggihan ng komisyon.
Sa naging hakbang ni Lao, aniya, ay malinaw na binalak ang pandarambong base sa sinabi ni Sen. Franklin Drilon ‘premidated plunder’ ang pagbili ng P8.7 bilyong overpriced medical supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
“Question do’n ba’t kailangan mo ng confidential employees sa isang ahensiya ng gobyerno na nagpo-procure? ‘Di ba doon pa lang kitang-kita mo na, parang sabi nga ni Senator (Franklin) Drilon, premeditated plunder. Parang lahat plinano,” ani Lacson sa programang Headstart sa ANC kahapon.
Maging ang Food and Drug Administration (FDA) ay niluwagan ang requirements noong Marso o Mayo 2020 sa pagpepresenta lang ng license to operate imbes magpasumite ng certificate of notification and application, sabi ni Lacson.
“After makapag-deliver na ‘yung Pharmally hinigpitan na naman. Kailangan na ulit ‘yung certificate, certificate of product registration…” ani Lacson. (ROSE NOVENARIO)