UMABOT sa 41 indibidwal na sinabing pawang sangkot sa cybersex ang inaresto sa sabay-sabay na anti-cybercrime operations ng mga awtoridad sa tatlong magkakaibang lugar sa Valenzuela City at lalawigan ng Batangas nitong nakaraang araw ng Martes, 31 Agosto.
Sa pahayag ni Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Guillermo Eleazar kahapon, sinabi niyang ang operasyon ay isinagawa ng Anti-Cybercrime Group (ACG) sa pakikipag-ugnayan sa Valenzuela city police, Lipa, at Sto. Tomas, at sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center.
Sa ulat ng ACG, sinabi ni Eleazar, naparalisa ng nasabing operating units ang cybersex activities ng mga suspek na nagpapanggap na lehitimong call center representatives sa isang commercial establishments sa Barangay Paso de Blas, Valenzuela City, sa Lipa City, Batangas, at sa isang residential area sa Sto. Tomas, Batangas.
Ang nasabing operasyon ng mga awtoridad ay bunsod ng impormasyong kanilang natanggap mula sa isang concerned citizen sa pamamagitan ng PNP Enhanced, Anti-Cybercrime Campaign, Education, Safety, and Security (E-Access) platform hinggil sa kahina-hinalang call center activities sa nasabing area.
Nabatid sa imbestigasyon, ang kagayang cybersex syndicates ay bumibiktima ng netizens sa pamamagitan ng pag-aalok ng ‘erotic massage services’ kapalit ng online registration sa kanilang website na ang ipinambabayad ay mula sa credit cards account.
Ayon kay Eleazar, nagpapanggap ang mga suspek bilang US-based na mga kabataang babae at lalaki, pero kapag nakapagrehisto na ang ‘target client/victim’ at nagbayad ng US$50 (P2,500) mula sa kanilang credit card account ay bigla nang iba-blocked.
Kinompiska ng mga awtoridad ang maraming ebidensiya gaya ng desktop computers na isasailalim sa digital forensic examinations para sa imbestigasyon.
Ang inarestong suspek ay nasa kustodiya ng Valenzuela City Police, Lipa City Police, at Sto. Tomas City Police at mahaharap sa mga asuntong paglabag sa Section 4 (c) (1) (Cybersex) Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nitong nakaraang linggo, inilunsad ng PNP ang E-Access online verification platform upang palakasin ang responde laban sa mga kasong cybercrime. (JSY)