HINIKAYAT ni Senator Joel Villanueva ang gobyerno na magsagawa ng pagbabakuna sa mga kababayan nating nasa evacuation centers upang maiwasan ang pagkakaroon ng “CoVid-19 super-spreader event” sa mga naturang lugar.
“Bigyan na po natin ng bakuna ang mga bakwit para mapabilis pa nang husto ang roll out,” ani Villanueva sa isang pahayag.
“Kung mayroon na pong health personnel na nagmo-monitor ng kanilang kalagayan, bilangin na po natin ang mga hindi pa bakunado at dalhan ng bakuna,” dagdag ng senador
Karaniwang kulob at siksikan ang mga evacuation centers na maaaring maging sentro ng pagkahawa-hawa sa CoVid-19, lalo sa tila mas nakahahawang Delta variant, paliwanag ng senador.
“Kung maaari po nating iwasan ang isa pang kalamidad na puwedeng mangyari sa mga evacuation centers, gawin na po natin. Mahirap pong ma-double whammy ng CoVid-19 at ng baha, lindol, o pagputok ng bulkan,” ani Villanueva.
Mungkahi sa IATF ni Villanueva, chair ng Senate labor committee, ilagay sa prayoridad ng mga bakunahan ang mga residenteng nakatira sa tinatawag na danger areas.
“Alam na po natin kung nasaan ang geohazard areas. Ito po ay mga lugar na karaniwang binabaha o apektado ng mga kalamidad,” anang senador.
“Kung mayroon pong preemptive evacuation, dapat mayroon rin preemptive vaccination. Kaya kung lilisan man sila at uuwi sa kani-kanilang mga tahanan, uuwi po silang bakunado at may karagdagang proteksiyon laban sa sakit,” aniya.
Noong nakalipas na taon, tinatayang aabot sa 4.56 milyong kababayan natin ang na-displace sanhi ng mga kalamidad, ayon sa 2021 Global Report on Internal Displacement (GRID).
Dagdag ng ulat, pumapangalawa ang Filipinas sa China pagdating sa bilang ng evacuees.
Sa tala ng gobyerno, aabot sa 14,000 katao mula sa iba’t ibang bahagi ng Luzon ang lumikas sa kanilang mga tahanan matapos ang tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng bagyong Fabian sa mga nakalipas na araw. (NIÑO ACLAN)