TINATAYANG aabot sa P54.4 milyon halaga ng hininalang shabu ang nakompiska ng magkasanib na puwersa ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA), PNP, ISAFP at NICA sa dalawang lalaki sa isinagawang drug operation sa Muntinlupa City.
Kinilala ni P/B Gen. Vicente Danao Jr., NCRP0 chief, ang mga suspek na sina Renzy Louise Vizcarra at Red Lewy Vizcarra, na inaresto matapos magpanggap na poseur-byer ang isang police operatives sa entrapment dakong 5:00 p.m. nitong Sabado sa harapan ng isang fastfood chain sa Barangay Tunasan, Muntinlupa.
Nakompiska ang walong kilo ng shabu na may halagang P54.4 milyon, tatlong mobile phones, kulay silver na Toyota Innova mayplakang DAO-4851, at markeed boodle money na ginamit sa transaksiyon ng mga pulis sa pambili ng droga sa mga suspek na hinihinalang miyembro ng malaking sindikato.
Kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang kinahaharap nina Renzy at Red ayon sa pulisya. (MANNY ALCALA)