NAKAPALOOB sa Bayanihan to Recover as One Act na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aalok ng utility companies ng ‘three gives’ sa mga konsumer.
Ikinatuwa ito ni Sen. Francis Tolentino dahil siya ang masigasig na nagtulak sa probisyon sa deliberasyon sa plenaryo ng Bayanihan 2.
Katuwiran ng senador, napakahirap ng sitwasyon at ang pag-aalok ng installment na pagbabayad sa koryente, tubig, at telekomunikasyon kahit paano ay makagagaan sa pasanin ng mga konsumer.
Paliwanag ni Tolentino, kailangan magbigay ang lahat ng utility companies ng 30-day grace period para sa pagbabayad ng kanilang konsumo habang umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ) at MECQ nang walang interes at multa.
Paglipas ng grace period may opsiyon din ang mga konsumer maging ang mga micro, small and medium enterprises na bayaran ang kanilang naiwang bills ng tatlong hulog nang walang interes at multa.
Samantala, ang upa naman sa tirahan at puwesto ng negosyo na nagsara noong ECQ at MECQ ay sakop din ng 30-day grace period at bibigyan sila hanggang sa katapusan ng taon para tapusin ang ‘installment payment’ sa upa. (CYNTHIA MARTIN)