SINO ba ang nagsisinungaling sa consumers?
Ang dating Distribution Utility na Panay Electric Company (PECO) o ang kasalukuyang More Power?
Marami rin ang nagtatanong kung kompetisyon ba ito ng dalawang kompanya na nag-aagawan sa negosyo bilang supplier ng koryente sa isang urbanisadong lalawigan.
Pero klaro ang sagot ni More Power President and CEO Roel Castro.
“THERE are consumers involved here, if PECO look at that perspective then they really should give way. We respect and understand that what they’re going through is painful, but at the end of the day, it’s the court and the regulator that will decide on the matter, whatever and whoever is affected should respect the decision.”
Pahayag ito ni Castro kaugnay umano ng panibagong panlilinlang at pagsisinungaling sa mga Ilonggo ng Panay Electric Company (PECO) matapos palabasin na tumaas ang systems loss na sinisingil sa consumers na ang numero ay base sa maling kuwenta.
Binatikos ng More Power ang PECO sa paggamit sa grupong Koalisyon Bantay Kuryente (KBK) na una’y nagpahayag sa isang virtual press conference na umabot sa 7.1% ang sinisingil na systems loss sa consumers ng More Power na mataas sa 6.5% na itinatakda ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ipinaliwanag ni More Power Spokesperson Jonathan Cabrera, ang systems loss computation ni KBK President Jose Allen Aquino ay ibinase sa maling formula, tanging generation charge lamang ang isinama nito sa komputasyon na ang tama ay kasama maging ang transmission charge.
Kaya kung susundan ang formula na ginamit ng KBK sa billing ng PECO noong Pebrero 2020 ay bubuwelta rin sa kanila ang kanilang akusasyon dahil lalabas na nasa 8.13% ang kanilang systems loss na mas mataas pa rin kaysa ipinalalabas nila laban sa More Power.
Ipinaliwanag ni Cabrera, mula nang magsimula ng operasyon ang More Power noong Pebrero ay nasa 6% systems loss lamang ang kanilang sinisingil sa consumers at mas bababa pa ito pagsapit ng 2021 na aabot sa 5.50% at sa 2022 ay 4.75%.
Mula noong Mayo 2018, nagtakda na ng system loss cap ang ERC na iyon lamang ang puwedeng singilin sa consumers, ang sosobra sa itinakdang cap ay papasanin ng Distribution Utility kaya naman sa panig ng More Power, pinagbubuti nila ang kanilang distribution system at buong pasilidad at hinahabol ang mga gumagamit ng jumper upang hindi lumaki ang kanilang systems loss na ang kompanya rin ang papasan.
Ayon sa More Power, unang pinalobo ng PECO ang numero sa naranasang brownout sa Iloilo simula 16 Pebrero 2020 hanggang 16 Hulyo 2020 na ginawang 412 oras gayong nasa kabuuang 182 oras lamang ang power interruption para palabasin ang incompetence ng kompanya.
Pinuna ni More Power President and CEO Roel Castro ang kawalan ng “etiquette” ng Panay Eletric Company (PECO) dahil sa patuloy na pagpapalabas ng maling isyu at paggawa ng iba’t ibang ‘tricks’ para lamang linlangin ang mga consumer at guluhin ang power supply service sa Iloilo City.
Sinabi ni Castro, may dalawang taon na mula nang simulan nilang i-extend ang kanilang “reconciliation hand” sa PECO para sa kapakanan ng consumers ngunit wala silang nakuhang kooperasyon mula sa dating distribution utility.
Aminado si Castro na masakit para sa panig ng PECO management ang pagkawala ng kanilang 100-taon negosyo pero nasa linya umano sila ng public utility at hindi pansariling interes ang dapat na mangibabaw kundi ang kapakanan ng power consumers at ng buong lalawigan sa kabuuan.
Ang PECO ay una nang binawian ng legislative franchise ng Kongreso dahil sa hindi maayos na serbisyo at reklamo ng madalas na insidente ng sunog at brownout sanhi ng kanilang sira-sirang pasilidad, kasunod nito ay tinanggalan na rin sila ng Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN) at business permit mula sa Iloilo City Government.