SINAKSAK ng 26-anyos dalaga ang kanyang sarili para palabasing naging biktima ng holdap ng dalawang lalaki sa Sta. Ana, Maynila.
Kinilala ang sugatang suspek na si Liliana Magalona, 26 anyos, kusinera, at naninirahan sa 2156 Road 5 Fabie Estate, Sta. Ana.
Sa ulat, isinugod ni Ariel Cahatol, 34, sidecar boy, si Magalona sa Sta. Ana Hospital para malapatan ng kaukulang lunas dahil sa sugat.
Ayon sa report, pinalabas ng dalawa na hinoldap umano si Magalona ng dalawang lalaki at tinangay ang dala-dalang pera ng kanyang amo na nagkakahalaga ng P31,000.
Kinilala ang amo ni Magalona na si amo Marivick Martinez, 37.
Batay sa ulat ni P/Lt. Bernardo Diego ng Manila Police District – Sta. Ana Station (MPD-PS6), nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang kanyang mga tauhan hinggil sa insidente ng holdap sa Onyx at Diamante streets.
Lumitaw na wala namang insidente ng panghoholdap sa nasabing lugar kung kaya nagduda ang mga pulis.
Sa isinagawang interogasyon, inamin ni Magalona na hindi naman siya hinoldap.
Aniya, gipit umano siya sa pera kaya nagawa niya ang krimen.
Binigyan umano niya ng P2,000 si Cahatol para palabasing testigo niya sa panghoholdap habang lulan ng kanyang sidecar.
Ayon sa pedicab driver, sinabi sa kanya ng dalaga na problemado siya sa pera.
Sinaksak ni Magalona ang sariling tiyan, gamit ang maliit na gunting saka nagpadala sa ospital.
Pinaghatian ng dalawa ang P31,000 ng amo ni Magalona.
Matapos umamin sa modus, P13,000 na lang ang naibalik ng mga suspek.
Inihahanda na ang kaukulang kaso laban kina Magalona at Cahatol.